SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI napigilan ni Kuya Boy Abunda na hindi maging emosyonal sa pagbabalik niya sa Metropolitan Theater (MET) nang mag-guest sa 10Q:Ten Years of Angeline Quinto concert series noong December 25.
“Maiba lang napagkuwentuhan lamang ito, alam mo Angge rito ako nag-umpisa. Kilala ko ang teatrong ito, rito ho ako lumaki, sa backstage ako nagtrabaho. Nag-aayos ako ng props. Itong entabladong ito ay kilala ko.
“I used to be assistant stage manager sa lahat ng palabas including the Philharmonic concerts of the Manila Symphony Orchestra. Lahat ng mga opera tulad ng ‘Turandot,’ lahat ng mga musical tulad ng ‘My Fair Lady,’ lahat ng mga original Filipino musical, ang ‘Maalaala Mo Kaya,’ ‘Kapinangan’ ni Kuh Ledesma, lahat sa entabladong ito ginagawa.”
Ikinuwento rin ni Kuya Boy na nag-audition siya bilang aktor sa MET. “Naalala ko sa entabladong ito I auditioned as an actor dahil gutom ako literally. Gutom na gutom ako, pinakanta, pinasayaw, pinaarte. Hindi naman ako marunong. ‘Yung sayaw steps lang ‘yan, ‘yung pinaarte, okey ako, pero ‘yung kanta, buong gabi inaral ko ‘yung ‘Dahil Sa ‘Yo.
“’Ito na ang kuwento, so I sang the song. When my third line na sabi sa akin niyong director, ‘thank you.’ Alam mo sabi ko, sandali lang po pwede n’yong ipatapos ang isang kanta? Kasi hindi ako natulong ng buong gabi at itinuloy ko ang ‘Dahil sa ‘Yo.”
Pag-amin pa ni Kuya Boy na medyo naiiyak siya sa pagbabalik sa MET. ”I have so many memories here. I’m very emotional actually, naiiyak ako dahil dito ako nagsimula, dito ako nagsimula I came from nowhere. I was so scared. Itong manager mo (Kate) akala ang dali-dali pero this was very difficult to come back. Ang hirap hanggang ngayon.”
Mahirap man ang pagbabalik-MET inamin ni Kuya Boy na masarap balikan ang MET. ”Binabalikan ngg namin backstage iyong kantang ‘Sunset Boulevard,’ kilala ko ang mga nasa ilaw, lahat-lahat, dito po ako tinuruang mangarap at lumipad,” sambit pa ng magaling na host.
“First time ko na bumalik dito sa teatro, salamat, salamat for making this happen and salamat Angge, salamat for bringing me home,” giit pa ni Kuya Boy.
Si Angeline ang unang singer na nakapag-concert sa MET simula nang buksan ang teatro.