SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SALUDO kami sa ginawa ni Ogie Alcasid para sa mga frontliner. Ito ay ang pagsulat ng kanta na inawit ng 25 tanyag na mang-aawit na nagsama-sama para sa Bayaning Tunay, isang espesyal na handog para sa mga frontliner na itinuturing na mga natatanging bayani ngayong pandemya.
Inawit nina Ogie, Regine Velasquez-Alcasid, Gary Valenciano, Lea Salonga, Zsa Zsa Padilla, Pops Fernandez, Martin Nievera, Lani Misalucha, Noel Cabangon, Piolo Pascual, Bamboo, Ely Buendia, Rico Blanco, Erik Santos, Christian Bautista, Jed Madela, Nyoy Volante, Angeline Quinto, KZ Tandingan, Morissette, Klarisse, Janine Berdin, Jason Dy, Sam Concepcion at Lara Maigue ang Bayaning Tunay na nagbibigay-pugay sa tapang at pagsisikap na ipinamalas ng mga frontliner sa gitna ng mga pagsubok.
Ani Ogie para sa kanyang year-end gift sa mga frontliner, ”Bumababa na ang mga kaso ng COVID-19. Praise the Lord! Huwag nating kalimutan ang mga bayaning tumulong sa atin sa panahon ng pandemya, mga nagtrabaho sa mga ospital, silang mga frontliner.”
Ang proyektong ito ay ipinarating niya kay Dr. Tony Leachon, chairman ng Kilusang Kontra Covid (KilKoVid), isang civil society group na binuo sa Quezon City bilang tulong sa QC government sa pagpuksa ng COVID-19 virus. Ang KilKovid ay nakipag-ugnayan sa health care workers sector sa tulong ni Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians upang malaman ng mga manggagamot ang tungkol sa suporta na ito.
Handog ng Star Music ang Bayaning Tunay na mula sa areglo ni Homer Flores, mastered ni Tim Recla, at ipinrodyus ni ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo katulong sina Ogie at Gary V bilang production consultants.
Pormal na inilunsad ang kanta sa ASAP Natin ‘To noong Linggo at ngayon ay napakikinggan na sa iba’t ibang music streaming services.