Sunday , November 17 2024
Rose Nono-Lin

Social media pages, ilang personalidad, sinampahan ng kaso ni Rose Lin sa NBI

DUMULOG sa National Bureau of Investigation (NBI) ang negosyanteng si Rose Nono-Lin nitong Lunes ng umaga para paimbestigahan at sampahan ng kaso ang mga nagpapakalat ng ‘malisyosong’ social media post na nag-aakusang drug lord umano ang kaniyang asawa at nagdadawit sa kanilang mga anak na pawang mga menor de edad sa naturang isyu.

Tinukoy ni Lin ang ilang social media page at mga personalidad na naglalabas ng mapanirang-puring mga pahayag laban sa kanilang mag-asawa, at sa partidong Malayang Quezon City, na siya ay tumatakbo bilang kinatawan ng Distrito 5 ng Quezon City.

“Malinaw naman po na ginagamit ang ganitong uri ng mga post para sirain ang aking pangalan habang papalapit na ang eleksiyon,” ani Lin.

Sa naturang Facebook posts na inilabas laban kay Lin, tahasang inisa-isa ang mga dahilan umano kung paano nasangkot ang asawa ni Lin na si Wei Xiong Lin sa mga ilegal na gawain.

Bukod dito, dahil sa pagtakbo umano ni Lin sa Kongreso sa ilalim ng nasabing partido ay malaki ang posibilidad na isa itong drug-funded election campaign.

Kalakip ng naturang mga post ang retrato ni Lin kasama ang kaniyang asawa at mga anak, kopya ng campaign posters ng Malayang Quezon City, at mga larawang may kinalaman sa drug matrix na iniimbestigahan sa Senado.

Inisa-isa rin ang iba’t ibang news sources na naglalaman umano ng mga impormasiyon tungkol sa mga kasong kinasangkutan noon ng asawa ni Lin kasama sina ex-presidential adviser Michael Yang at Johnson Chua na may kaugnayan umano sa isang pangunahing sindikato ng ilegal na droga sa bansa, pati na ang iba pang mga isyung hindi na raw naimbestigahan nang mabuti o siniyasat man lang.

Giit ni Lin, matagal nang napasinungalingan ang mga nasabing isyu laban sa kaniyang asawa dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.

Sa mga nakaraang pagdinig sa Senado, sinabi ni Lin na wala umanong kasong naisampa sa korte laban sa kanila. Kampante rin si Lin nang sabihing ang asawang si Wei Xiong Lin ay may NBI clearance at isang lehitimong negosyanteng Chinese na nagbabayad ng tamang buwis. Tiwala rin daw siya sa kaniyang asawa at sa mga negosyo pinapasok nito.

Matatandaang sa House Hearing on Overpriced DOH Purchases noong 15 Setyembre, mismong si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva ang nagsabi at nagpakita ng mga ebidensiyang maglalayo sa asawa ni Lin sa personalidad ng Chinese national na si Wen Li Chen na naaresto noon sa Cavite sa kasong may kaugnayan sa droga at pinakawalan din kinalaunan dahil umano sa ilang teknikalidad.

Tinawag din ni Villanueva na ‘tsismis’ ang kuwentong binuo ng isang P/SInsp. Pirote noong 2017 na nagbubuhol sa personalidad nina Wen Li Chen at Wei Xiong Lin na asawa ni Rose Lin.

Dagdag ni Villanueva, ipinasok umano ang retrato ni Wei Xiong Lin sa dokumentong Initial Profile of Drug Personality katabi ang retrato ni Wen Li Chen, at sinabing, “Akala nitong tao na ‘to ay kaya niya tayong bulagin o lokohin.”

Idiniin din ni Villanueva na sadyang malaki ang diperensiya ng dalawang retrato at malinaw na isa itong kaso ng panlilinlang.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay naglabas din ng mga pahayag sa isang cabinet meeting noong Setyembre na naglilinis sa pangalan ni Michael Yang, na iniuugnay si Wei Xiong Lin patungkol sa umano’y malawak na drug matrix mula kay former Philippine National Police Deputy Director Eduardo Acierto.

“Itong kay Michael Yang, tiningnan ko iyong intelligence. Lahat ng intelligence input – puro galing kay Acierto lang. Kaya sabi ko nagduda dito, kasi taga Davao ito (Yang), 20 years na ito sa negosyo sa Davao,” ani Pangulong Duterte.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagkalat ng mga fake news laban kay Lin na sinasabing financier umano ng Malayang Quezon City, na pinamumunuan naman ni AnaKalusugan Rep. Mike Defensor.

Ayon kay Lin, patuloy na ginagatasan ng mga troll ang pagkakadawit ng kaniyang pangalan at ng kompanyang Pharmally Biological sa kaso ng Pharmally Pharmaceutical na kasalukuyang dinidinig sa Senado.

“Ang Pharmally Biological ay hindi po sister company ng Pharmally Pharmaceutical. Wala po akong kinalaman sa pagpapatakbo o operasiyon ng negosyo (nito). Wala po akong pagmamay-aring shares sa Pharmally Pharmaceutical. Wala pong pagmamay-aring shares of stock ang Pharmally Biological sa Pharmally Pharmaceutical,” paliwanag ni Lin sa isa sa mga Senate hearing.

Mahaharap ang mga akusado sa kasong cyber libel sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012” na may mas malubhang parusa kaysa simple libel na pagkakakulong ng mula anim na taon at isang araw hanggang 10 taon dahil sa lawak ng maaaring maabot ng pagbibintang at iba pang malisyosong akusasyon.

Naghain din si Lin ng kasong child abuse o Violation of Republic Act 7610: Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) laban sa naturang social media page at personalidad dahil sa malisyosong pag-upload ng retrato ng kaniyang mga anak na pawang menor de edad.

“Hindi po natin palalampasin ang ganitong uri ng pang-aagrabiyado lalo na’t alam po nating politikal ang motibo ng pagpapakalat ng ganitong mga akusasiyon.” ani Lin.

“Hindi sa lahat ng oras ay hahayaan lang kayo ng mga taong tinitira ninyo. May kalalagyan kayo,” banta ni Lin.

About hataw tabloid

Check Also

Bong Suntay Bday

‘Birthday pasasalamat’ ni Cong. Bong Suntay dinagsa

TINATAYANG aabot sa 8,000 suporters, mga miyembro ng kanyang pamilya at kaibigan, gayundin mula sa …

2 dating kaalyadong politiko ni Mayor Vico Sotto bumaliktad

DESMAYADO na ang dalawang dating mga kaalyadong politiko ni Pasig City Mayor Vico Sotto at …

Bamboo Kawayan

Pamangkin hinamon ng duwelo , Tiyuhin patay sa palo ng kawayan

BINAWIAN ng buhay ang isang 55-anyos na lalaki matapos ilang ulit paluin sa ulo ng …

DOST Teams Up with Wadhwani Foundation to Accelerate Filipino Innovation

DOST Teams Up with Wadhwani Foundation to Accelerate Filipino Innovation

THE Department of Science and Technology (DOST) and the Wadhwani Operating Foundation have signed a …

Artist Lounge Talents MultiMedia Inc

Artist Lounge Talents MultiMedia Inc. inilunsad

MATAGUMPAY ang grand launching ng Artist Lounge Talents MultiMedia Inc., na ginanap last November 10 sa Activity …