ni ROSE NOVENARIO
UMATRAS sa kanilang re-election bid bilang mayor at vice mayor ng Davao City ang magkapatid na Sara at Sebastian Duterte sa 2022 elections.
Si Sebastian ay nag-substitute sa kanyang ate bilang mayoralty bet habang si Chief Presidential Legal Counsel Melchor Quitain ang pumalit sa kanya bilang vice mayoralty candidate ng lungsod.
Ayon sa malapit na kaibigan ni Sara na si Atty. Bruce Rivera, malabo nang tumakbong presidential bet at pagiging bise-presidente na ang target ng alkalde.
May natanggap umanong impormasyon si Rivera na may mga tao ang anak ng diktador at presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na nasa Davao City pero hindi malinaw ang kanilang pakay sa siyudad.
“She has always told me time and time and time again na she’s not running for president but ‘yung vice naging mas open siya,” ani Rivera sa panayam sa Frontline Pilipinas sa News5 kagabi.
Matatandaang ipinangako ni Sara kay Marcos ang suporta ng kanyang regional party na Hugpong ng Pagbabago sa presidential bid ng anak ng diktador sa kanilang pag-uusap sa Cebu City kamakailan.
Kapag natuloy ang pagsabak ni Sara sa VP race ay makatutunggali niya ang longtime aide ng kanyang ama na si Sen. Christopher “Bong” Go.
Ngunit sa kanyang talumpati sa Antipolo City kahapon, tila naging emosyonal si Go na nagpahiwatig ng kanyang pag-atras bilang vice presidential candidate ng PDP-Laban.
“Maaaring may mga pagbabago sa mga tatakbo sa posisyon sa mga darating na araw. Ang problema po riyan, kailangan ko umiwas. Gusto ko man magsilbi sa inyo bilang bise presidente dahil sa kagustuhan ng ating mahal na pangulo, kailangan ko pong umiwas. Malalaman n’yo po iyan sa darating na araw,” sabi niya sa talumpati sa Malasakit Center monitoring visit sa Antipolo City.