HINDI na ipatutupad ang curfew sa National Capital Region (NCR) simula ngayon, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos.
Sinabi ni Abalos, may ilang lokal na pamahalaan pa rin sa Metro Manila ang magpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad.
Ang pagtanggal aniya sa curfew ay bilang konsiderasyon sa mga mall na hiniling ng MMDA na magbukas ng 11:00 an imbes 10:00 am ngayong holiday season upang maisaayos ang trapiko ng mga sasakyan.
“The lifting of curfew hours in Metro Manila will help spread out influx of people coming to and from malls to further reduce the risk of virus’ transmission,” ani Abalos sa isang kalatas.
Magugunitang ipinatupad ang curfew sa Metro Manila mula 12:00 am hanggang 4:00 am nang magsimula ang pandemyang dulot ng CoVid-19 noong Marso 2020.
Umpisa rin ngayon ay ipatutupad ang 70 porsiyentong passenger capacity sa rail lines at ilang public utility vehicles (PUVs) sa Metro Manila at ilang kalapit-lalawigan mula sa 50% passenger capacity dahil sa pagbaba ng kaso ng Covid-19.
“Public Utility Buses (PUBs), Public Utility Jeepneys, and UV Express (UVEs) in Metro Manila and nearby provinces in the Metro Manila Urban Transportation Integration Study (MMUTIS) Update and Capacity Enhancement Project (MUCEP) or the provinces of Laguna, Rizal, Cavite, and Bulacan may operate under the approved passenger capacity as a result of the continuous decline in COVID-19 infections and government’s aggressive COVID-19 vaccination roll-out,” ayon sa inilabas na Memorandum Circular 2021-064 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Inaprobahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB na ipatupad ang unti-unting pagdagdag ng passenger capacity sa pampublikong transportasyon hanggang sa umabot sa full capacity.
Samantala, inilinaw ng LTFRB na hindi na required ang paglalagay ng plastic barriers sa loob ng jeep, basta’t tiyak ang pagsunod sa physical distancing at health protocols laban sa CoVid-19. (Ulat nina ROSE NOVENARIO at GINA GARCIA)