SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MALAKING responsibilidad. Hindi pinangarap ang mataas na posisyon. Ito ang mga ikinatwiran ni Jomari Yllana nang matanong sa isinagawang virtual media conference kamakailan kung bakit sa ikatlong pagkakataon ay konsehal pa rin ang tatakbuhin niya sa first district ng Paranaque at hindi mas mataas na posisyon sa darating na 2022 elections.
Esplika ni Jomari,“The higher the position, the bigger responsibility. Hindi ako nangangarap sa mas mataas na posisyon. Hindi ko iniisip, although kailangan kong pag-aralan at pagdaanan.
“If you look at the government, lahat naman tayo rito sundalo, ‘di ba? May mga sundalo rito na nagbibigay ng serbisyo at ‘yung posisyon na para sa ‘yo, kailangan mo ring pag-aralan and you have to follow protocol.
“Pero hindi ako ‘yung tipo na nangarap sa mas mataas na posisyon kasi maraming problema roon, sakit sa ulo. Although in reality if you look at it sa totoo lang. Tao naman ang magsasabi kung gusto ka nila o kailangan ka nila. Pagdating sa ganyang bagay kung ano ang gusto ng tao, sunod-sunuran lang naman ako. Ako’y dakilang servant, dakilang utusan.”
Kaya kung muling papalarin, ikatlong termino na ni Jomari ang pagiging konsehal ng 1st district ng Paranaque.
Sa totoo lang, inagaw na ng public service si Jomari. Pero iginiit ng aktor na hinding-hindi niya makakalimutan ang showbiz dahil malaking bahagi ito ng kanyang buhay.
Pero ayaw pagsabayin ni Jomari ang showbiz at pagsisilbi sa kanyang constituent dahil, “It’s my choice na hindi ako ma-distract. Alam naman ng artista ito na halimbawa ang call time mo ay 6:00 a.m. at dumarating ka sa set ng 7:00 a.m.. Matatapos ka ibang petsa na, ganoon talaga ang mundo ng showbiz.
“Twenty five years ko ring ginawa ‘yun at 25 years din akong puyat. Ganoon talaga ang mundo, you have promo, you have guestings. Sa style ko ng pagpapatakbo ng opisina nanibago ako, eh. First time kong mag-work on a desk, mayroon akong tanggapan. I go to the office early and I come home early, too.
“Hindi ko kayang i-manage ‘yung time na pagsabayin ang showbiz at politics. Kailangan mayroon akong priority at kung ano ‘yun posisyon na pinanghahawakan ko ngayon, ayokong isipin and I don’t agree na mababa o mataas na posisyon. It involves 100% commitment and sacrifice,” sambit pa ni Jomari.
Kaya’t kahit mahal niya ang showbiz, mahal din niya ang mga taong pinaglilingkuran niya sa Paranaque. Kaya naman muli siyang tumatakbo bilang konsehal sa first district ng Parañaque City para ipagpatuloy ang paglilingkod sa mga ito.