IPAGPAPATULOY ng Makabayan coalition ang kooperasyon sa kampanya ng tambalan nina Vice President Leni Robredo at Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa 2022 elections kahit naetsapuwera si dating Bayan Muna partylist representative at senatorial bet Neri Colmenares sa kanilang senatorial slate.
Sinabi ito ng koalisyon sa isang kalatas kahapon matapos ang dialogo kay Vice President Leni Robredo kamakailan.
Anang koalisyon, batid nila ang kagyat na panganib na kasalukuyang kinakaharap kaya’t isusulong pa rin nila ang kooperasyon sa Robredo-Pangilinan campaign bunsod ng pareho nilang layunin na pigilan ang Duterte extension o ang pagbabalik ng Marcos sa Malacañang.
“Keenly aware of the most immediate threat today, Makabayan will continue to cooperate with the Robredo-Pangilinan campaign, with the common objective of preventing a Duterte extension or a Marcos restoration.”
Bagama’t itinuturing ng Makabayan na ‘lost opportunity’ ang hindi pagsali kay Colmenares sa Robredo-Pangilinan senatorial line-up sa pagpapalakas ng oposisyon laban sa napipintong Marcos-Duterte alliance, nagpasalamat ang koalisyon sa Bise Presidente sa pagkikipag-usap sa kanila para talakayin ang ilang punto ng pagkakaisa sa kanilang plataporma at may mga isyu na nangangailangan ng patuloy na diskusyon.
“We welcome VP Robredo’s positive response to the issues of sovereignty in the West PH Sea, peace talks, human rights, justice and accountability, as well as economic relief from the hardships due to the pandemic. These points provide us with a basis to continue engaging with her in pursuit of pro-people and progressive reforms and policies,” anang Makabayan.
Kahit wala pang pinal na napipiling national candidates ang Makabayan, nanawagan ang koalisyon sa lahat ng demokratikong puwersa na gawin ang lahat upang mapigilan ang masahol na resulta ng 2022 elections. (ROSE NOVENARIO)