SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MARAMING showbiz friends ang humanga kay Senator at Presidential Candidate Ping Lacson sa speech niya nang kilalanin bilang Outstanding Public Servant sa Star Awards 2021.
Mga miyembro ng Philippine Movie Press Club Inc. ang namamahala sa taunang Star Awards, na kumikilala sa husay ng mga nasa entertainment industry gayundin ang mga natatanging public servant tulad nga ni Lacson.
Hindi kataka-taka na mabigyan si Lacson ng pagkilala dahil sa tapat sa pagtupad niya sa tungkulin sa loob ng 40 taon niya sa public service. At huwag kalimutan na mula nang maging senador siya eh hindi tumanggap ng kontrobersiyal na pork barrel funds.
Maraming showbiz press ang gusto ang ugali ni Sen Ping dahil hindi siya echoserong politiko. Hindi ka niya bobolahin.
Napatanong nga ang ilang nakapanood ng acceptance speech niya at napaisip kung may binabasa ba ang senador dahil tuloy-tuloy at walang buckel ang pagsasalita niya kaya feel mong galing sa puso ang sinasabi niya.
Kahit noong ma-interview siya ng showbiz press para sa pelikulang 10,000 Hours, na inspired sa buhay niya, aminado si Sen. Ping na ang nakikita lang niyang koneksiyon niya sa movie press o showbiz industry noon ay ang pagkakaroon ng tatlong movie na tungkol sa kanya.
Pero alam niya kung gaano kahalaga ang entertainment industry sa lipunan, hindi lang sa pagbibigay ng kasiyahan sa mga tao, kundi nagsasalamin din ang showbiz world sa reality.
Pangako ni Sen Ping sa showbiz press, patuloy niyang gagawin ang prinsipyo niyang “leadership by example.” Ibig sabihin, kung ayaw mong maging kurap ang mga opisyal mo, dapat hindi rin dapat kurap ang lider.
Ipagpapatuloy din niya ang mabuting pamamahala at siyempre ang kanyang motto na bitbit niya ngayon bilang tumatakbo siyang pangulo sa May 2022 elections na: ”Ang tama, ipaglaban. Ang mali, labanan.”