SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MATAGAL na palang tumutulong at nagkakawanggawa ang aktor na si Tom Rodriguez. Hindi ito batid ng marami sa atin dahil hindi naman ipinamamarangya ng aktor ang ginagawang kabutihan.
Ayon nga sa kaibigan nitong si Billy James Renacia, likas ang pagiging matulungin ni Tom. Kaya ‘wag nang pagtakahan pa at ‘wag na ring magulat kung gustong ituloy ni Tom kasama siya na ituloy ang pagtulong sa pamamagitan ng pagpasok sa politika.
Noong Huwebes kasi’y isa sina Tom at Billy na nag-file ng kanilang Certificate of Candidacy (CoC) para maging representative ng partylist na AMP o Anak Maharlikang Pilipino na magsusulong ng karapatan ng mga construction worker.
Ayon kay Billy, si Tom ang first nominee ng AMP at siya naman ang 2nd nominee nito.
Si Billy James ay ang aktor na napanood dati sa Ang Probinsyano bilang love interest ni Judy Ann Santos.
Sa pakikipag-usap naming kay Billy James nasabi nitong sobrang qualified si Tom na maging kongresista dahil bukod sa matalino ito, malapit ang puso ng aktor sa masa at likas ang pagiging matulungin sa mahihirap.
Kuwento ni Billy James, taong 2010 pa sila magkakilala ni Tom.
“Wala pa si Tom sa showbiz noong naging magkaibigan kami. Kaya noong nabiyayaan kami, nagkaroon ng maayos na buhay, ang tumulong sa mga nangangailangan ang inatupag naming,” sambit ni Billy James.
“Napakabuting tao ni Tom at wala siyang ginawa kundi ang tumulong sa kapwa. Calling niya ang ganito. Mula noon, wala kaming ginawa kundi ang tumulong, magbigay ng ayuda sa mga frontliner. Kahit wala kaming partido, nagpupunta kami sa mga barangay para tumulong. Kanya-kanya kaming bigay ng pera. Mula sa bulsa namin ang itinutulong namin.
Nang tanungin kung bakit papasukin pa ang politika gayung nakakatulong na naman sila, sinabi ni Billy James na, ”Naisipan naming pumasok sa ganito, para mas marami kaming matulungan.”
Sinabi pa ng 2nd nominee ng AMP na, ”the partylist will encourage productive collaborations with DOLE, POEA, and OWWA and to the Global Pinoy Contruction Experts. The partylist will also support the government in building sustainable communities and a strong institution for a brighter future for the Filipino people.”