ni Ed de Leon
“PINAG-ARALAN ko ang lahat ng options. Hanggang kanina nga may kausap pa ako na nagsabing kung gusto ko raw ako ang patatakbuhing vice president, eh ang sabi ko naman, nakagawa na ako ng announcement and in a few minutes lalabas na iyan sa social media. I am ending my 23 years of political career, pero hindi ko sinasabing tatalikuran ko
ang serbisyo publiko. Lahat ng nasimulan ko itutuloy ko in my private capacity, kung kailangan ang gobyerno nariyan naman si Ralph. Nariyan iyong buong Bangon Lipa team. Lahat naman iyan tutulong sa akin.
“Ang daming mga artista, tumutulong sa mga tao kahit na wala naman sa posisyon. Kasi kahit na ang mga artista tagilid din ngayon ang hanapbuhay, gusto nilang magbayad naman ng utang na loob
namin sa mga tao kahit na paano. Hindi naman kami magiging artista, sisikat at kikita ng malaki kung ‘di rin dahil sa mga tao.
“At saka hindi ko iyan inilihim sa iyo. Hindi ba noon pa sinasabi ko na mayroon akong third option, at iyon ay balikan ang aking pagiging artista? Alam mo hiyang-hiya na ako sa mga fans, kina Jojo at saka sa inyo, sa tuwing tinatanong ninyo ako kung kailan ako gagawa ng pelikula. Ilang ulit na bang nasira ang sinabi ko sa iyo noon
na bago matapos ang taon gagawa ako kahit na isang pelikula. Hindi ko nga lang sinabi kung anong taon. Ngayon masasabi ko nang sa 2022 makagagawa na ako ng pelikula,” ang natawa pang sabi ni Ate Vi (Congw Vilma Santos).
“Alam mo aaminin ko na ngayon na nami-miss ko rin naman ang mga Vilmanian. Iba ang pagmamahal nila eh. Isipin mo ang marami riyan mahigit 50 years ko nang kasama. Kung sa bagay maski naman sa
Lipa, dama ko ang pagmamahal ng mga Batangueno, pero iba iyong kasama
mo ng ganoon kahabang panahon at kahit na hindi ko sila masyadong naasikaso simula nang pumasok ako sa politics nariyan pa rin sila. At nakukonsensiya na rin ako sa tuwing naririnig kong sinasabi ninyo na pagbigyan ko naman ang fans, kahit na isang pelikula lang sa isang
taon. Ang kuwento nga nila inuulit-ulit na nga lang nila ang mga pelikula ko sa tv at sa video.
“Ngayon hindi lang ako aarte, puwede pa akong mag-produce ng mga pelikula at tv shows. Magagamit ko ang natutuhan ko ng kung ilang taon din sa industriya. Sinasabi nila ang sakit ng industriya ay
walang bagong idea, iyan ang gagawin natin. Kung ano ako ngayon, kung
ano ang kalagayan sa ngayon ng pamilya ko, at maging ang nangyari sa akin sa politika, utang ko iyan sa industriya ng pelikula. Ito na nga siguro ang panahon para magbayad naman ng utang na loob.
“Ngayon mas mahabang oras na ang puwede kong magamit sa pagiging artista, pati sa pagba-vlog. Masasabi nating Ate Vi is back for all seasons,” ang nakangiting sabi pa ni Ate Vi.
—30–