Saturday , January 24 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph
Bureau of Customs, BoC, PPEs

PPEs bumaha sa Customs (Bago March 2020 lockdown declaration)

BUMAHA ang mga personal protective equipment (PPEs) sa Bureau of Customs (BoC) bago ideklara ni Pangu­long Rodrigo Duterte ang unang lockdown sa buong Luzon noong Marso 2020.   

Isiniwalat ito ni Sen. Panfilo Lacson sa ika-10 pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomalyang multi-bilyong medical supplies contract na nasungkit ng Pharmally Pharmaceutical Corporation mula sa Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).

“Bakit kine-claim na scarcity of supply kung napakaraming dumating mula March 17- 30, 2020?” sabi ni Lacson patungkol sa pahayag ni dating PS-DBM chief Lloyd Christopher Lao na wala silang mahanap na medical supplies kaya bumili sa Pharmally sa halagang P27 kada isa.

Ipinakita ni Lacson sa Senate hearing ang nakuha niyang listahan ng mga kompanyang nag­parating ng face mask sa Filipinas mula 17- 30 Marso 2020 na umabot sa 46,790,000

Paliwanag niya, sa 45 kompanya na supplier sa PS-DBM, nakorner ng Pharmally ang 26.39% ng kabuuang supply gayong may makapag-i-import ng medical supplies, face mask, face shield, PPEs na hindi kasama sa listahan gaya ng One Link Trading, AGNA General Merchandise, at Flexidrive Hardware Trading.

Ang customs broker aniya nito ay si Jeffery Manalo ng Fababeir brokerage at sa record ng One Link ay nakapag­pasok na ito ng 46,790,000 mula 17-30 Marso 2020 pa lamang.

“So available ang supply as of 17 March 2020 kaya hindi tama ang sinasabing scarcity of supplies ng face mask kaya mabilis nakapag-deliver ang Pharmally, March 25. Nag-usap sila ng March 24 , sina Linconn Ong at Atty. Lao and then March 25, andiyan na ang delivery,” ani Lacson.

Si Linconn Ong ang isa sa matataas na opisyal na umamin sa Senado na si Michael Yang , dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duter­te, ang nagpautang sa kanila ng kapital para matugunan ang kontra­tang nakuha sa PS-DBM.

Nakapagdala agad ang Pharmally ng 500,000 piraso ng face mask sa PS-DBM kahit walang purchase order at imbes P8-M lamang ang babayaran ay naging P13.82 milyon.

Giit ni Lacson, 46 milyon ang supply ng face mask na dumating sa bansa ng panahong iyon kaya imposible ang katuwiran ni Lao na kapos ang supply.

Ibinulgar ng senador na isang James Tan, umano’y operations manager ni Michael Yang, ang importer ng PPEs na ginamit ang serbisyo ng Fababeir brokerage.

“And I understand, a certain James Tan , who is allegedly the operations man of Michael Yang, ito ‘yung nagpaparating, ito ‘yung importer. Making use of the services of Fababeir because ang nakapirma nga sa documents ay si Jeffrey Manalo,” ani Lacson.

Sa pagharap sa ikalawang pagdinig sa Senado, itinanggi ni Yang na pinautang niya ng puhunan ang Pharmally bagkus ay ipinakilala lamang ang mga opisyal ng kompanya sa mga supplier sa China.

Hiniling ni Lacson sa BoC na isumite sa komite ang listhan ng dumating na medical supplies sa bansa mula Marso 2020 hanggang sa kasalukuyan upang makita ang volume at kung sino-sino ang importer.

“So, ito ‘yung ikot ng supply ng face mask, face shields, and starting June 2020 dito na nagsariling import ‘yung Pharmally and I was informed na dito na nagkaroon ng problema ‘yung transaction between Pharmally and Mr. Michael Yang kasi naging malaki ‘yung mark-up sa pagsu-supply ng medical supplies especially face mask and face shield through the courtesy of Michael Yang to Pharmally,” sabi ni Lacson.

Sa kanyang regular na Talk to the People, todo depensa si Pangulong Duterte kina Lao at Yang at wala umanong anomalya sa kontrata ng Pharmally sa gobyerno.

Nag-ugat ang isyu sa 2020 Commission on Audit (COA) report na pinuna ang dispa­linghadong paggasta ng Department of Health sa pandemic funds at kuwestiyonableng pag­lipat ng P42-B sa PS-DBM.

(ROSE NOVENARIO)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Rose Novenario

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

 “Sorsogon gold standard”pamarisan sa paggawa ng mga kalsada

MUKHANG unti-unti nang tinatalikuran ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lumang gawing …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Impeachment o sawsaw isyu lang?

HINDI naman tayo nanghuhusga pero ano itong nangyaring pag-iingay sa Kamara nitong Huwebes – ang …

PUP Ad Congress FEAT

Let’s Play! Future Creatives Take the First Move at 22nd AdCongress

In an industry where every move counts, the 22nd Advertising Congress (AdCongress) challenges the next …

Goitia

Goitia Walang Puwang ang Pananakot, Hindi Uurong ang Soberanya at Katotohanan ng Pilipinas

Ang Tangkang Pagsupil sa  Katotohanan ay Kalapastanganan Ang  naging palitan ng pahayag nina Commodore Jay …

ASEAN PARA Games

Team Pilipinas Kumapit sa Ikatlong Puwesto sa ASEAN Para Games
Matapos ang Sunod-sunod na Ginto at Bagong Rekord

Medal Standings (As of 22 Jan) Gold Silver Bronze Total1     Thailand     37    29    31    972     Indonesia   22    25    15    623     Philippines  11     7     8    264     Malaysia     9    13    18    405     Vietnam      …