SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAKA-RELATE si Heaven Peralejo sa karakter na ginagampanan niya sa bagong handog ng WeTV, ang Pasabuy na ginagampanan niya ang role ni Anna, isang batang executive na may dala-dalang problema kaya nagpunta sa isang beach resort para mag-soul searching.
Nagkataong naroon din si Gino Roque, si John isang aspiring musician na ginagamot din ang sarili dahil biro rin sa pag-ibig.
Inabutan ng lockdown sa naturang beach resort sina Heaven at Gino kaya naman para makakuha sila ng mga pangangailangan, kailangan nilang umorder sa pamamagitan ng “pasabuy”. Dito sa chat room ng pasabuy sila nagkakilala. Na hindi nila akalaing iyon ang magiging simula ng kanilang magandang pagtitinginan.
Ani Heaven, naka-relate siya sa kanyang character, ang pagiging hopeless romantic.
“Aside from that, there’s a part that Anna taught people about self-love. I learned from her, too,” sambit niya sa isinagawang virtual media conference.
Inamin din ni Heaven na hindi siya nahirapang makipagtrabaho kay Gino bagamat ngayon lamang sila nagka-work. ”Siguro sumakto lang ‘yung personalities namin sa isa’t isa
Sa kabilang banda, pinapurihan naman ni Heaven ang kanilang director na si Xian Lim.
Aniya, madalas silang i-check ng actor pagkatapos nilang mag-shoot.
“He was on top of everything, even with making sure that we all kept our sanity in check,” sambit ni Heaven.
Napapanood na sa WeTV ang Pasabuy na nagsimula noong September 24. Ang Pasabuy ay may six-episode series na isinulat at idinirehe ni Xian, co-produced ng Forza Productions.
Kasama rin sa romantic comedy series sina Ella Cayabyab, Ralph Malibunas, Gail Banawis, Nana Silayro, at MJ Cayabyab.