Thursday , December 2 2021
McCoy de Leon, Yorme

McCoy de Leon magaling na actor; Yorme ambisyosong pelikula

HATAWAN
ni Ed de Leon

INIIWASAN namin iyang mga preview ng pelikula. Basta sinabing preview, hindi bale na lang. Pero kinumbinsi kami ng aming kaibigang si Lyka Boo. Sabi niya, ”gusto kong mapanood mo ang mga musical number, at saka anim na tao lang tayong manonood.”

Napapayag kami. Dinatnan na namin sa preview room ang director ng pelikulang Yorme, ang kaibigan din naming si Joven Tan.

Nagsimula ang pelikula sa kuwento ng isang bata, si Raikko Mateo, na agad na nasundan ng isang musical number. Malaki ang musical number na iyon sa tambakan ng basura. At aaminin naming, nasiyahan kami. Nagbalik sa aming alaala ang mga musical number sa mga pelikula noon ng MGM. Parang iyong mga eksena nina Fred Astaire at Gene Kelly, tama ang musika at nagpakita ng “precision dancing.”

Wala ng gumagawa ng ganyan sa ngayon dahil pati extra niyan mahal ang bayad, kailangan kasi dancer.

At hindi lang isa, napakaraming kanta na lahat may production numbers. Kung ang pelikulang iyan ay mapapanood ni Kuya Germs, sigurado kami uulit-ulitin.

Napansin din namin, bukod sa batang si Raikko, si McCoy de Leon at Xian Lim, lahat ng artistang lumabas sa pelikula ay galing sa That’s Entertaiment kasi, ”tribute ko iyan kay Kuya Germs at sa lahat ng mga taga-‘That’s’ na nagbigay kasiyahan sa publiko sa loob ng isang dekada,” sabi ni direk Joven.

At sasabihin na rin namin ang totoo, ngayon lang namin napanood si McCoy. Kung napansin ninyo, hindi namin isinusulat iyan, kasi hindi naman namin napapanood. Magaling palang actor iyong bata. Hindi namin sinasabing artista lang, kundi actor dahil may lalim ang kanyang ipinakitang acting.

Panay ang tukso nila sa amin nang lumabas na si Janno  Gibbs bilang si Kuya Germs. Alam din naman nila na kabigan namin si Kuya Germs. Hindi namin masasabing nakopya ni Janno si Kuya Germs, pero naroroon ang mahahalagang element sa kuwento. Kung paano siya mangaral sa mga bagong artista, ang mga kuwento kung paano siya nagsimula sa Clover, at ang kanyang pananampalataya sa Diyos.

Sa Amerika, ang mga ganyang musical ay may kasamang ”libretto”, o isang maliit na libro na nasusulat ang musika ng pelikula, pero sabi ni direk Joven, ”wala kami niyon.”

Nang tanungin namin kung sino ang gumawa ng musika, sinagot niya kami ng, ”eh di ako.”

Binubuo niya ang musika at lyrics, kinakanta niya sa tape recorder, at ipinadadala sa isang musical arranger para isulat ang musika, matugtog ng mga musician, at maawit ng mga artista.

Isang ambisyosong proyekto iyang Yorme. Kung ano man ang dahilan ni Joven at ginawa niya iyan ay hindi na namin itinanong, pero isa lang ang masasabi namin, nakahihinayang kung ang pelikulang ganyan ay hindi mapapanood na big screen. Isa iyon sa ikinalulungkot namin sa buhay. Lahat ng mga paborito naming pelikula ay napapanood namin sa maliit na screen lang dahil nasa video na. Hindi namin naabutan ang pagpapalabas niyon sa mga sinehan. Hindi namin napanood ang pagsasayaw ni Gene Kelley sa ulanan sa Singing in the Rain. Hindi rin namin nakita sa sinehan si Fred Astaire sa Shall we Dance o sa Swing Time.

Hindi namin nakita ang mga facial expression ni James Dean sa East of Eden. Hindi rin namin na-enjoy sa loob ng sinehan ang palitan ng dialogue nina Humprey Bogart at Ingrid Bergman sa Casablanca, o sina Vivien Leigh at Marlon Brando sa Streetcar Named Desire. Napanood na lang namin ang lahat ng iyan sa video.

Iyang Yorme, hindi iyan iyong papanalunin ng awards ng mga kritiko, pero iyan ang magugustuhang panoorin ng masa, lalo na iyong mga mahihilig sa sayaw at sa musika. At idagdag nga natin ha, with apologies sa ibang mga artista sa pelikula, ang sensitibong acting ni McCoy.

Kung sabihin nga ng iba, unfair ako sa pelikula. Karamihan sa pinanonood ko hindi ko tinatapos kahit na sa sinehan. Iyong mga preview noong araw, naiinip ako at lumalabas din. Bihira akong makatapos ng pelikula eh at lalong bihirang ang isang pelikulang napanood ko na ay uulitin ko pang panoorin. Sa matatandaan namin, ang pelikulang pinakamaraming ulit naming napanood ay iyong Sound of

Music, na laging apat na beses naming pinanood sa halos tatlong buwang pagpapalabas noon sa Ever Theater, iyong The Great Waltz na walong beses naming napanood sa Ideal Theater noong araw, at iyong The Longest Day na limang ulit naming napanood sa iba’t ibang sinehan.

Iyang Yorme, nakakaisa pa lang kami.

About Ed de Leon

Check Also

Katips

Vince Tañada nanghinayang sa ‘di pagkasali ng Katips Musical sa MMFF

HARD TALKni Pilar Mateo HINDI napili para makapasok sa Magic 8 ng Metro Manila Film Festival 2021 ang …

BTS Isko Moreno

Yorme wish magkaroon ng sariling BTS ang ‘Pinas

HARD TALKni Pilar Mateo ANG musical na Yorme na tatalakay sa buhay ng Presidentiable na si Isko Moreno Domagoso ang unang …

Cara Gonzales

Cara Hubad kung hubad, off limits lang ang boobs

HARD TALKni Pilar Mateo SPEAKING of mga inilulunsad, ang Viva ni Boss Vic del Rosario ang tila hindi nauubusan sa …

Jheorge Normandia Pinili Nyang Mahalin Ka

Jheorgie Normandia personal ang Pinili Nyang Mahalin Ka

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio NAPAKA-PERSONAL ng awiting Pinili Nyang Mahalin Ka para kay Jheorge Normandia, singer-songwriter …

Yul Servo Bonifacio

Yul ‘ipaglalaban’ ang Ama ng Rebolusyon, Katipunan Documents babawiin

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio SOBRA-SOBRA pala ang paghanga ng actor-politician na si Yul Servo, kinatawan …