BULABUGIN
ni Jerry Yap
NOW, it can be told. Kahit isang singkong duling pala ay walang ginastos ang ating gobyerno sa pagpapagawa ng cauldron para sa Southeast Asian Games o SEAG noong Disyembre 2019 at naging overall champion ang Filipinas.
“ We won as one,” ‘ika nga. Pribadong sector pala ang gumastos sa pagpapatayo ng SEAG cauldron na nagkakahalaga ng P50 milyones.
Ito mismo ang ibinunyag ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na siyang nangasiwa sa Philippine South East Asian Games Organizing Committee o (PHISGOC), sa panayam ng sikat na TV Host na si Boy Abunda noong nakaraang linggo.
Kung inyong matatandaan, binatikos ng mga kontra administrasyon ang naturang cauldron dahil sa napakamahal daw nito sa halagang P50M.
Pero kung tutuusin umano, mas mura ang SEAG cauldron na ipinagawa ng Filipinas iyan kaysa mga SEAG cauldron na itinatag sa ibang bansa.
Isa itong masterpiece ng ating National Artist for Architecture na si Francisco Mañosa. Ang sabi nga ni Cayetano, “Puwede naman gawing patapon lang ‘yung cauldron kung ginusto ng mga organizers pero bakit naman natin gagawin ‘yun bilang isang bansa lalo na’t binigyan tayo ng pagkakataon na ipakita sa buong mundo na kaya nating magtayo ng world sports facility na masasabi talaga nating pangmalakasan ang dating.”
Sa naturang interview inamin ni Cayetano na maraming sponsors ang umatras dahil sa kontrobersiya at isyu ng korupsiyon na ipinukol sa paggawa ng SEAG cauldron. Mas marami pa sanang pondong papasok mula sa mga pribadong kompanya ngunit napigilan ito dahil sa crab mentality at mga akusasyon ng katiwalian na ipinukol sa SEAG cauldron.
Sinabi ng dating lider ng kamara, hindi perpekto ang kanyang buhay politika pero ni isang kusing ay ‘di siya nagtamasa at wala siyang ibinulsa mula sa pagdaraos ng 2019 SEAG.
Sa totoo lang, hindi rin natin maintindihan ang iba nating kababayan na pilit na ibinabagsak ang mga pagkakataon na dapat ay shining moment na natin bilang mga Filipino. Kita n’yo naman, umabot ng 387 medalya ang nakopo ng ating mga atleta sa 2019 SEAG, ang 149 dito ay mga medalyang ginto. Sobrang nakaka-proud ang galing at determinasyon ng ating mga manlalarong Pinoy.
Gayon pa man, ang ingay at mga akusasyon na ipinukol sa 2019 SEAG ay ‘di rin nagkaroon ng buhay. Sa halip, pinuri pa ni Olympic Council of Asia Vice President Wei Jizhong ang mga organizers ng naturang palaro at maging si Pangulong Duterte dahil ipinakita aniya ng Filipinas na kaya na nitong mag-host ng mas malaki pang sports events. Kaya naman ‘yung mga fake news na pinakawalan para gibain ang 2019 SEAG ay nanatiling fake news na lang hanggang ngayon.
Kaya ‘yung mga kritikong dumakdak, hanggang dakdak na lang ang nangyari sa kanila. Imbes makatulong sa ating bansa, sila pa ang naging dahilan ng pag-atras ng maraming sponsors sa SEAG. Hindi man lang nag-isip, makapagpasabog lang ng fake news para hilahin pababa ang mga taong walang ibang nasa isip kundi ang kapakanan ng bansa.
Tandaan, kahit ano pa ang gawin, fake news is fake news. ‘Yun na ‘yun.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com