BULABUGIN
ni Jerry Yap
ILANG gimik pa kaya ang ‘uubusin’ nitong mga ‘unipormadong utak’ ng mga opisyal ng Duterte administration bago matapos ang kanilang termino?
Gaya nitong si Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, na gustong ipasabit sa leeg ang vax card ng mga vaccinated.
Ano ang ultimong rason bakit kailangan isabit ang vax card? Nakasuot na tayo ng face mask, naka-face shield pa, tapos isasabit pa sa leeg ang vax card?
Ano pa kaya sa susunod ang ipagagawa sa mamamayang Filipino ng gobyernong hindi lang bokya sa CoVid-response kundi punong-puno ng bahid ang paggamit sa pondong inilaan para sa pandemya.
Only in the Philippines!
Bakit ba tayo nagkaroon ng mga opisyal na napaka-mekanikal mag-isip.
Sa gitna ng ‘gera’ sa kalaban o virus na hindi nakikita, hindi mga opisyal na unipormadong mag-isip ang kailangan natin.
Kailangan natin ng mga lider na espontanyong mag-isip, may stock knowledge, may liderato, hindi madaling palundagin, a person who is thinking outside the box, at higit sa lahat alam kung ano ang ginagawa nila.
Hindi natin kailangan ang mga opisyal ng gobyerno na utak-buntot. Bakit nga kasi maraming masasabi nating magaling mag-isip — magagaling mag-isip kung paano sasairin ang pondo ng bayan.
Ito ba talaga ang kapalaran natin mga Filipino?
Narito na naman tayo sa panahon na sinasabi natin, kaunting tiis na lang, ilang buwan na lang, baka mabago na ang mga tao sa gobyerno. Kahit tao na lang, dahil ang sistema ay ganoon pa rin naman. Hindi nagbabago. Kahit tao na lang na hindi madaling masilaw sa pera, sa kapangyarihan, at sa oportunidad na makapanggantso ng mamamayan.
Pero kung hindi pa rin mababago, anim na taon pa tayong magtitiis…
Ang nakatatakot, kung sila pa rin, baka habang buhay na rin nating kasama ang pandemya — ang ultimong nirarason ng kasalukuyang administrayon para makapag-imbento ng iba’t ibang pangalan ng unli-lockdown na pahirap sa mamamayan at sa ekonomiya ng bayan.
‘Yung mga nakaiisip ng mga gimik na wala namang kuwenta at pampabuwisit lang sa taongbayan, sana mamasyal doon sa Manila Bay, isabit sa leeg ang kanilang vax card, pakilagyan ng bakal, saka lumublob sa tubig… baka sakaling mabawasan ng sakit ng ulo ang sambayanang Filipino.
Diyan magagamit ni Usec. Diño ang ‘umaalagwa’ (al agua sa Español) niyang pagsusuot ng vax card.
Pasisirin niya sa tubig ang kanyang umaalagwang mungkahi sa IATF.
Tsk tsk tsk…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com