ni ROSE NOVENARIO
“MAHILIG mag-recycle ng ‘basurang’ hindi environment-friendly.”
Tahasang ipinahayag ito ni Bayan Muna Rep. Eufenia Cullamat kaugnay sa pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay retired Army General Antonio Parlade, Jr., bilang bagong deputy director general ng National Security Council (NSC).
Nakababahala aniya ang pagluklok kay Parlade sa bagong posisyon lalo na’t naging pamoso ang dating heneral sa red-tagging at pagpapakalat ng fake news.
“Ang administrasyong Duterte ay mahilig mag-recycle ng basura, ‘yun nga lang hindi environment friendly. Ang pag-appoint din sa kanya (Parlade) ay nakababahala dahil sa kanyang record bilang spokesperson ng NTF-ELCAC na maraming ini-red tag at biniktimang aktibista, artista, at mga lehitimong progresibong organisasyon, gayondin ang pagkakalat at pagpapakalat ng fake news,” ani Cullamat.
Matatandaang naging kontrobersiyal si Parlade bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pag-uugnay sa kilusang komunista ng mga artistang gaya nina Liza Soberano at Angel Locsin, sa mga mambabatas mula sa Makabayan bloc at iba pang progresibong grupo at personalidad.
Ngunit para sa Palasyo, sa Parlade base sa kanyang mga karanasan ay makapag-aambag nang malaki sa pagpaplano ng mga polisiyang makaaapekto sa pambansang seguridad.
“Deputy Director-General Parlade faithfully served the Armed Forces of the Philippines for many years until his retirement from the service. We are therefore confident that his length of fruitful service in the military would immensely contribute in the crafting of plans and policies affecting national security,” pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque.