MAAARING gamiting ayuda sa mahihirap na pamilya o pambayad sa benepisyo ng healthcare workers ang P1.36 bilyong utang ng 15 Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa gobyerno, ayon kay Senador Kiko Pangilinan.
Iginiit ni Pangilinan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na gawin ang lahat para masingil ang mga POGO na may obligasyon pa sa gobyerno.
“Hindi ito dapat palampasin at ituring na thank you na lang, lalo pa’t palaging sinasabi ng gobyerno na kailangan nito ng pera. Tungkulin n’yo riyan sa PAGCOR na habulin ang pagkakautang ng mga POGO,” wika ni Pangilinan
“Malaking tulong sana ang nasabing halaga sa pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangang Filipino at pambayad na rin sa benepisyo ng ating health workers,” dagdag ng Senador.
Kuwenta ni Pangilinan, kung bibigyan ang bawat pamilya ng tig-P4,000 mula sa nasabing halaga, nasa 340,000 mahihirap na pamilya ang makikinabang.
Ginawa ni Pangilinan ang panawagan kasunod ng paglalabas ng Commission on Audit (COA) sa PAGCOR na mayroong P1.36 bilyong utang ang 15 POGO sa bansa.
Sa tala ng PAGCOR, tatlo ang nag-o-operate pa sa bansa, walo ang suspendido ang lisensiya, tatlo ang binubusisi pa at isa ang suspendido.
“Wala tayong dapat patawarin kahit suspendido. Siguro naman may paraan ang PAGCOR para masingil ‘yan sa kanilang obligasyon mula sa kanilang kinita habang nag-o-operate pa,” ani Pangilinan.
Isa si Pangilinan sa mga bomoto kontra POGO tax bill na inaprobahan ng Senado noong Hunyo.
Tutol din ang Senador sa operasyon ng POGO sa bansa dahil sa masamang epekto nito sa lipunan, tulad ng krimen na kinasasangkutan ng mga manggagawa nito. (NIÑO ACLAN)