HAHARAPIN ng may-ari at ng caretaker ng isang sports arena sa lungsod ng Pasig ang kasong paglabag sa EO No. PCG-66 ng RA 11332 ng Inter-Agency Task Force (IATF) matapos payagang maglaro ng basketball at magpustahan ang may 21 katao sa kanilang pasilidad, sa gitna ng umiiral pang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila.
Kinilala ni P/Col. Roman Arugay, hepe ng Pasig police, ang dinakip na may-ari ng Metro Asia Arena na si Albert Dy, at caretaker na si Elmer Mendoza.
Samantala, pinauwi ang 21 kataong nahuling naglalaro ng basketball kabilang ang dalawang menor de edad matapos magnegatibo sa CoVid-19 antigen test.
Dakong 8:00 pm nitong Linggo, 5 September, pinagdadampot ng mga awtoridad mga naglalaro ng basketball sa Metro Asia Sports Arena sa Elisco Rd, Brgy. Kalawaan, sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Arugay, ipinaabot sa pulisya ang reklamo ng isang concerned citizen na mayroong mga naglalaro ng basketball sa lugar na direktang pagsuway sa Executive Order No. PCG-66, at sa kasalukuyang umiiral na MECQ sa Metro Manila, pati na ang paglabag sa health protocols.
Nasa aktong naglalaro at nagpupustahan sa basketball ang mga suspek nang arestohin ng mga kagawad ng pulisya.
Agad dinala ang 21 violators sa Child’s Hope Hospital para sa antigen test upang matiyak na negatibo sila sa CoVid-19 virus, na agad din pinauwi.
Kasalukuyan nang nakapiit ang may-ari at caretaker ng sports arena para sampahan ng kaukulang kaso sa hukuman. (EDWIN MORENO)