“GAMOT muna kaysa plastic, ‘yun ang bilhin natin.”
Panawagan ito ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa administrasyong Duterte kaugnay sa pagtugon sa pandemyang dulot ng CoVid-19.
Iginiit ng alkalde ang pangangailangan sa mga gamot para sa CoVid-19 gaya ng Remdesivir at Tocilizumab.
“Ang daming naghahanap ng Tocilizumab…Itong gamot na ‘to nakatutulong sa tao,” sabi ng alkalde.
Aabot aniya sa P25 milyon ang halaga ng 1,000 vials ng Tociluzumab habang ang 10,000 vials ng Tocilizumab at Remdesivir ay halos P200 milyon.
“Ako payo ko talaga sa kanila, huwag face shield ang bilhin ninyo. Tocilizumab ang bilhin ninyo. Remdesivir ang bilhin ninyo. Oxygen, makina sa ospital ang bilhin n’yo. ‘Yun ang kailangan ng tao kung talagang mahal natin ang tao, sabi n’yo. Kung kayo’y para sa tao sabi nyo,” anang alkalde ng kabiserang lungsod ng Filipinas.
Nakapagtataka aniya na walang naipatayong dagdag na ospital ang pambansang pamahalaan gayong halos dalawang taon na ang CoVid-19 pandemic pero bilyon-bilyong piso ang ginasta para ipambili ng face shield na dagdag pahirap lang sa mamamayan.
“Gamitin natin ang faceshield sa ospital. ‘Wag natin i-require ang tao. Wala na nga tayo nabibigay na trabaho, pinagagastos pa natin ang tao. Wala naman science (dito),” anang alkalde.
Ang Filipinas aniya ang bukod tanging bansa sa buong mundo na ginawang requirement sa mamamayan ang paggamit ng face shield.
Maging si Vice President Leni Robredo ay desmayado na naging sentro sa mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Talk to the People ang pagbatikos sa Commission on Audit (COA) at Senado imbes pagtuunan ang pagtugon sa pandemya.
Para kay Presidential Spokesman Harry Roque, namomolitika lang sina Moreno at Robredo.
“Well, kaibigan ko po si Yorme pero gaya po ni VP Robredo , kandidato rin po iyan. Mark my word, hindi pa po nag-aanunsiyo ‘yan pero sigurado po ako kakandidato, kaya asahan natin itong mga ganitong salita dahil kailangan nilang ligawan ang mamamayan,” sabi ni Roque.
Mula nang mabulgar ang dispalinghadong paggasta ng Department of Health (DOH) sa P42 bilyong CoVid-19 response fund at P8.7 bilyong overpriced medical supplies na binili ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) sa ‘fly by night’ na kompanyang Pharmally Pharmaceutical Corporation, upang makaiwas sa isyu ay iniuugnay ng Palasyo ang usapin sa politika at binatikos pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang COA na nakatuklas sa anomalya at ang Senado na nag-iimbestiga, habang kinakampihan ang mga opisyal na responsable sa isyu. (ROSE NOVENARIO)