HATAWAN
ni Ed de Leon
NASA New York na si LJ Reyes, kasama ang kanyang dalawang anak na napilitan siyang ilayo para maiiwas ang mga bata sa mga intriga ng pakikipaghiwalay sa kanya ng partner for six years na si Paolo Contis. Masakit talaga iyon para kay LJ, dahil hindi naman pala totoong “mutual decision” ang kanilang paghihiwalay. In fact, tinanong pa niya si Paolo kung gusto pa niyong mabuo ang kanilang pamilya, o may plano pa iyong balikan sila, pero ang sagot ng actor, “hindi na.”
Noon daw nabuo ang kanyang desisyon na lumayo na para mailigtas sa kung ano-ano pang maaaring maging usapan na makaaapekto sa mga bata. Inamin niyang hindi niya nasagot, at napaiyak na lang siya nang tanungin ng anak na si Aki kung ano na ang nangyayari sa kanyang buhay. Si Aki ay anak ni LJ kay Paulo Avelino. Iyong anak naman ni Paolo na si Summer, maliit pa para maapektuhan ng usapan, pero paano nga naman paglaki niyon at may isip na? Mahirap ang buhay sa New York. Napaka-expensive iyang lunsod na iyan. Ang isa pang dusa kung winter, parang pinupunit ang paa mo kahit na sabihin mong naka-snow boots ka na, at malapit na iyan. Naranasan namin ang hirap doon kahit sandali lang kami. Kung doon siya magsisimula ng panibagong buhay, mahirap din ang trabaho roon, lalo na at pandemic pa ngayon. Matinding adjustment din ang kailangan ng mga bata. Pero mabuti na rin iyon kaysa mga lugar na may malalaking Filipino communities, na ang tsismis sa showbiz dito ay kalat na rin.