HATAWAN
ni Ed de Leon
NOONG isang araw ay nag-message sa amin ang isang kaibigan naming pari at sinabing kung makakausap namin si Congresswoman Vilma Santos ipaabot ang kanyang pasasalamat. Ito iyong may inutusan si Ate Vi sa kanya na magbigay ng Covid ayuda.
“Sabihin mo napakalaking tulong niyon sa amin,” sabi pa ni Father.
Noong araw na iyon naman ay nakausap namin si Ate Vi at siya na ang nagkuwento na nakarating sa kanya ang listahan ng mga opisyal ng barangay na nahawa rin sa Covid dahil sa kanilang ginagawang serbisyo sa mamamayan. Isinama na rin doon ang mga pari at iba pang pastor na nagkasakit din dahil sa kabila ng pandemya at peligro ay ginawa pa rin nila ang tungkulin sa kanilang nasasakupan, kaya nga sila nahawa.
“In particular, nakakasama namin ang mga paring Katoliko sa mga relief operations namin, bago pa iyang pandemya dahil ipinagamit nila sa amin ang kanilang mga simbahan noong pumutok ang Taal. Noong simula naman ng pandemya, pinayagan nilang gamitin naming ang ilang facilities ng simbahan bilang isolation areas, at nakatutuwa na ang amin pang arsobispo ang nag-alok ng tulong na iyon. Kaya paano mo ba namang kalilimutan sila na nakatulong sa iyo? Hindi rin naman tayo mapagbibintangan na gumagamit ng pera ng gobyerno, dahil sarili kong pera ang ipinamamahagi kong tulong. Kung ano iyong kaunting nasosobra, lalo ngayong bawal lumabas, siyempre mas maliit ang gastos, iyon naman ang ibinigay ko. Hindi iyan mula sa pondo, mula iyan sa puso,” sabi pa ni Ate Vi.
“Marami pa tayong mga kaibigan na dapat ding padalhan ng tulong, lalo na nga sa movie industry dahil bagsak iyan ngayon at wala talagang pinagkakakitaan ang mga tao, hindi ko lang mapagsabay-sabay ang ayuda. Medyo inuna ko muna iyong talagang alam kong kailangan at siya naman naming nakatutulong sa Lipa para sa mga mamamayan,” dagdag pa ng congresswoman.
Tapos tungkol naman sa mga problema sa showbiz ang nasabi lang niya ay, “i-update mo akong lagi para alam ko naman kung may magagawa tayo.”
Naputol ang aming palitan ng text nang magsisimula na ang kanyang zoom meeting naman para maliwanagan siya sa ilang punto ng universal health bill at kung paano iyon makatutulong sa bayan. Si Ate Vi, para ring si Boss Jerry Yap iyan, dumudukot sa sarili niyang bulsa kung kinakailangan para matulungan ang mas maraming tao.