FACT SHEET
ni Reggee Bonoan
NAGULAT kami sa sinabi ni Christian Bables na unang beses siyang nagkaroon ng kissing scene sa kapwa lalaki sa pelikula at ito ay sa Bekis on the Run Go lang ng Go handog ng Viva Films na idinirehe ni Joel Lamangan na mapapanood na sa Setyembre 17 sa Vivamax.
Kasi naman, nakailang pelikula na si Christian na bading ang karakter niya sa pelikula tulad ng launching movie niyang Die Beautiful (2016), I Love You to Death (2016), na sinundan ng Panti Sisters (2019) at in the works ang part 2 na inabutan ng COVID-19 pandemic.
“First time kong gumawa ng mga ganitong klaseng eksena. Nabasa ko kasi ‘yung script at ‘yung ibang hiningi ni direk (Joel) ay wala sa script pero once na nakapasok ka na sa shoes ng character at kung saan man dalhin ng direktor ‘yung shift kumbaga sakyan mo ‘yun, eh. So, somehow magiging ready ka. So, as an actor medyo may gulat factor sa ipinagawa ni direk pero sige lang dahil alam kong sa maganda niya kami dadalhin,” pahayag ni Christian.
Dagdag pa, “I think hindi ko rin siya ibibigay (kissing scene) kung hindi si direk Joel Lamangan at kung hindi ‘yung mga direktor na pinagkakatiwalaan ko at isa si direk Joel doon.”
Si Sean de Guzman ang kahalikan ni Christian sa pelikula kaya tinanong siya sa ginanap na zoom mediacon ng Bekis on the Run kung hindi ba siya ‘nailang’ dahil sabi nga niya unang beses siyang nakahalik ng lalaki sa pelikula.
“Siguro ako I’ll be coming from actors point of view, once kasi na in character ka na, nakasuot ka na roon sa shoes alam mo kung saan nanggagaling, alam mo ‘yung karakter niya magulat ka man o hindi hindi ka maiilang kasi alam mong parte iyon ng karakter mo at dapat iyon ang ginagawa ng karakter mo dahil tao siya.
“I think ‘yung ‘ilang’ hindi sa present at hindi siya dapat present sa amin. Parehas kaming lalaki ni Sean,” pangangatwiran ni Christian.
Ikinuwento pa ni Christian na inaral niyang mabuti ang karakter niya bilang si Donald na boyfriend niya si Sean.
Anyway, ang kuwento ng Bekis on the Run ay ukol kina Andres (Diego Loyzaga) at kapatid niyang si Donald (Christian) na sumubok nakawan ang isang construction site na wala sa plano nila ang mga nangyari at napilitan silang tumakbo.
Pero nakuha nila ang simpatya ng mga tao, lalo na ng gay community nang maging viral sa social media ang video ni Nanay Pacing (Lou Veloso), ang dahilan kung bakit sinubukang magnakaw ng magkapatid. Ikinuwento ni Nanay Pacing ang kanyang sakit at ang kagustuhan ng magkapatid na tulungan siyang makakuha ng pera para sa kanyang operasyon.
Bukod kina Christian, Sean, Diego, at Lou, kasama rin si Kylie Verzosa sa pelikula na mapapanood na sa Setyembre 17.