KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas
SIKAT na rin naman ang Lunch Out Loud (LOL), blocktimer sa TV 5, pero baka mas sumikat pa siya ngayon dahil biglang nasangkot ito sa isang kontrobersiyang may kinalaman sa ilang off-camera executives: ang creative manager ng show na si Robin Sison vs creative producer Bobet Vidanes at supervising producer na si Pat-P Yap.
In a way, kasama na rin sa pinararatangan ni Robin ng ”walang due process” ang abogado ng Brightlight Productions na si Ms. Joji Alonso. Ang Brightlight ang blocktime producer ng LOL na ‘di na ini-renew ang quarterly contract ni Robin nitong Agosto bilang creative manager.
Alam naman daw ni Robin na bilang contractual employees ay prerogative ng kompanya na huwag na siyang i-renew. Matatanggap naman daw n’ya ‘yon kahit wala namang reported evaluation sa kanya na ‘di siya effective sa trabaho n’ya.
Ang ‘di n’ya matanggap ay ang paratang sa kanyang sexual harassment at paglabag sa Republic Act 11313 o Safe Spaces Act, ang batas na nagbibigay proteksiyon laban sa “gender-based sexual harassment in streets, public spaces, online, workplaces, and educational or training institutions.”
Nakarating sa management ang alegasyon ng harassment na inireklamo ng hindi pinangalanang female writers ng noontime show.
Nangangatok umano si Robin ng pinto ng hotel room ng female writers sa tuwing siya ay lasing, at ang inaasal umano niyang ito ay ikinatakot ng female writers.
Nakarating din sa management na may isang female netizen ang gustong ireklamo ang program executive dahil sa pambabastos umano nito nang magkapalitan sila ng mga mensahe sa Facebook.
Mariing itinanggi ni Robin ang mga sinasabing insidente ng harassment.(Sa ulat ni katotong Jojo Gabinete sa PEP. ph, may detalyadong paliwanag si Robin sa mga akusasyon sa kanya.)
Ayon kay Robin, ni minsan ay hindi siya nakatanggap ng pormal na reklamo tungkol sa ibinabatong mga alegasyon sa kanya.
Sinabi rin ni Robin sa PEP.ph na pinrangka niya si Bobet na kaya hindi ini-renew ang kanyang kontrata ay dahil hindi siya nito “anak-anakan.” May favoritism umano si Bobet at dama raw ni Robin ‘yon noong pareho pa silang empleado ng ABS-CBN sa napakaraming shows ng mga nagdaang taon.
Kinuha ng PEP.ph ang panig ng Brightlight Productions tungkol sa isyung sangkot si Robin.
Ipinaliwanag ni Atty. Alonso na nagkaroon ng masusing imbestigasyon sa mga reklamong natanggap nila laban kay Robin.
Malinaw daw sa resulta ng kanilang imbestigasyon na may paglabag si Robin sa Safe Spaces Act.