MATABIL
ni John Fontanilla
HINDI pa man naipalalabas ang unang pelikulang ipinrodyus ng baguhang producer na si Bong Diacosta under Blankpages Productions na Nang Dumating si Joey mula sa direksiyon ni Arlyn Dela Cruz, may kasunod na kaagad ito na si direk Arlyn pa rin ang magdidirehe.
Kuwento ni Kuya Bong, bata pa siya ay mahilig na siyang manood ng pelikula at minsan ay naiisip niya na parte siya ng pelikulang pinanonood.
Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataong magprodyus ay kinausap niya ang matagal na niyang kaibigan, si Direk Arlyn na tulungan siya. Kaya naman nagawa ang Nang Dumating si Joey na pinagbibidahan ni Allan Paule kasama si Francis Grey, ang Mr Pogi finalist. Kasama rin sina Ernie Garcia, Isadora, at Rash Jusen.
Ang Nang Dumating si Joey ay isang LGBTQ Film, pero kakaiba ito sa iba dahil wala itong bed scene o halikan na karaniwan sa mga LGBTQ movie. Pero may eksena si Francis na gumaganap bilang si Joey na ikagugulat ng mga manonood.
At sa hanay ng mga local artist natin sa bansa, si Nora Aunor ang pangarap ni Kuya Bong na gawan ng pelikula dahil paborito nilang magkakapatid ang Superstar.
Bilib si Kuya Bong sa husay umarte ni Ate Guy na kahit anong role ang ibigay ay nagagampanan ng buong husay. Sana nga ay matulad ang kanyang pangarap.
Samantala ang pelikulang Nang Dumating si Joey ay available for streaming sa August 13-15, 2021 sa ktx.ph.