KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas
TALK of the town ang pagiging very emotional ni Dimples Romana sa civil wedding ng best friend n’yang si Angel Locsin at ang ilang taon na rin naman nitong naging boyfriend na si Neil Arce.
Nag-iiyak sa tuwa si Dimples na natuloy na rin ang ilang beses nang nabalam na kasal ng dalawa. Wala na silang kawala sa isa’t isa!
Pero para sa ilang masusugid na tagasubaybay ng showbiz, ang talk of the town nila ay ang pagbabando ni Dimples na papuntang Australia na ang anak n’yang babae (na panganay nila ng mister n’ya) para mag-aral ng pagiging piloto roon.
Pinagtatalunan nila kung kahanga-hanga ang pamamarali na iyon ni Dimples sa Instagram n’ya kamakailan o isang kahangalan.
Ilang araw lang kasi bago mag-ECQ sa bansa noong ibando ni Dimples na mag-aaral ng Aviation ang anak n’ya sa ibang bansa. Ang higit na paghihikahos na idudulot ng hard lockdown sa bansa ang pinag-uusapan nang matindi ng madla noong panahon na ‘yon (at sa panahon ding ito).
Kung makakapagpa-aral pa sa ibang bansa si Dimples at ang mister n’ya at sa isang kurso pa man din na napakagastos, ibig sabihin daw niyon ay napakaraming ipon ng mag-asawa. Kahanga-hanga raw ‘yon.
Pero malaking kahangalan na ibando ‘yon sa panahong maraming Pinoy na maaaring nagme-mental breakdown na sa pag-aalala kung paano mabubuhay ang pamilya nila sa panahon ng hard lockdown na mababawasan pa ang bilang ng araw na makakapagtrabaho sila at masusuwelduhan.
Sana raw ay hindi na muna ibinando ni Dimples ang napakapalad na buhay nila na makakapagpa-aral pa ng anak sa ibang bansa gayung milyong Pinoy ang naghihintay at umaasang may ayudang darating sa kanila.
Pero may mga nagsususpetsang nagpapaka-Daniela pa rin si Dimples ngayon. Feeling n’ya ay uso pa rin ang hambog at mataray na character n’ya sa Kadenang Ginto na maaaring limot na nga ng madla.
Wala namang nagsasabing walang karapatan si Dimples at ang mister n’ya na magpa-aral ng anak nila sa ibang bansa kahit na sa panahong ito ng paghihikahos ng madla. Perang kinita nilang mag-asawa sa mga pribadong negosyo at trabaho ang gagamitin nila sa pagpapa-aral sa anak nila. Pero sana raw ay hindi na muna nila ipinamarali sa panahong ito.