BAGSAK sa kulungan ang isang babae matapos makuhaan ng shabu makaraang masita sa curfew hours sa Malabon City, kanakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na kinilalang si Rejean Magno, 30 anyos, residente sa M. H. Del Pilar St., Brgy. Maysilo.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Jerry Basungit, habang nagpapatupad ng curfew hours ang mga barangay tanod ng Brgy. Niugan sa kahabaan ng C. Santos St., dakong 11:50 ng gabi nang makita nila ang suspek at kanyang live-in partner na gumagala sa naturang lugar.
Sinita ng mga barangay tanod ang dalawa at nang isyuhan ng ordinace violation receipt (OVR), napansin ng barangay tanod na si Lolita Villanueva ang suspek na pasimpleng inilaglag ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na naging dahilan upang arestohin niya ito.
Nang kapkapan, nakuha sa kanang baywang ng suspek ang dalawa pang plastic sachets ng hinihinalang shabu kaya umabot lahat sa 1.2 grams ng umano’y shabu na may standard drug price P8,160 ang narekober kay Magno.
(ROMMEL SALES)