TINANGGAL sa puwesto ang hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 3, na nag-deploy ng 52 pulis sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, nitong Lunes, 26 Hulyo, habang naghihintay ng resulta ng kanilang RT-PCR.
Sa kasamaang palad, ang nasabing 52 pulis ay lumabas na positibo sa CoVid-19 base sa resulta ng kanilang RT-PCR swab test.
Ipinag-utos ni PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar ang pagsibak kay P/Lt. Col. Christine Tabdi, hepe ng QCPD Station 3, dahil sa paglabag sa protocol, nang italaga sa SONA ang mga pulis sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Pahayag ni Eleazar, breach of protocol ang naganap dahil itinalaga ang mga tauhan ng PNP sa ilalim ni Tabdi sa SONA kahit hindi pa inilalabas ang resulta ng kanilang RT-PCR test kaya ipinag-utos niya ang administrative relief laban sa station commander dahil ito ay kanyang command responsibility.
“Dapat maging paalala sa station commanders na mahigpit na sumunod sa mga umiiral na protocols sa gitna ng banta ng CoVid-19, lalo ngayong tumataas ang mga kaso ng Delta variant,” dagdag ni Eleazar.
Nauna nang inianunsiyo ni QCPD director, P/BGen. Antonio Yarra at ng City Hall na 82 miyembro ng Station 3 ang nagpositibo sa CoVid-19, na ang 52 sa kanila ay ini-deploy sa SONA.
Ipinahayag ni Yarra, binakunahan ang mga tauhan ng Station 3 at nagsagawa na rin ng disimpektasyon sa himpilan, habang sasailalim sa swab test ang 100 fully vaccinated na miyembro ng District Mobile Force Battalion bago italaga sa estasyon bilang augmentation force, kasunod nito dinala ang 82 pulis sa quarantine facilities sa lungsod.
Ani Eleazar, nakatakdang magsagawa ang PNP ng malawakang testing para sa mga pulis QC sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan base sa resulta ng isinagawang contact tracing ng PNP na nagsimula noong Miyerkoles, 28 Hulyo.
Hiniling ng PNP chief sa publiko na tigilan ang mga insensitibong komento kaugnay sa mga pulis na nagpositibo sa CoVid-19 at pinaalalahan na tumupad sa kanilang opisyal na tungkulin.
Tiniyak ni Eleazar, handa ang PNP na magpatupad ng “hard lockdown” kung ito ang magiging desisyon ng IATF upang mapigilan ang paglobo ng bilang ng mga kaso ng CoVid-19. (ALMAR DANGUILAN)