TINIYAK ng National Capital Region Office (NCRPO) ang seguridad sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na “zero crime incidents.”
Siniguro kahapon ni NCRPO chief, P/MGen. Vicente Danao, Jr., plantsado ang seguridad para masiguro ang ‘zero crime incidents’ sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte ngayong Lunes.
Tulad ng mga nakalipas na SONA, naitalang generally peaceful, walang insidente ng krimen sa kabila ng mga kilos-protesta at banta ng CoVid-19 noong nakaraang taon, kaya inihanda ang security task force “SONA 2021” sa pamumuno ni Danao, bilang Task Force Commander.
Binuo ang security task force “SONA 2021” ng apat na task force, kabilang ang TF Anti-Criminality, tututok sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan; TF Antabay, para sa mabilis na deployment at intervention; TF RIMLAND, para sa pagpapakalat ng security personnel, civil disturbance management, traffic management control, at iba pang public safety services; at ang TF Reserve.
May kabuuang bilang na 15,174 personnel ang ipinuwesto upang matiyak ang seguridad at maging maayos, batay sa plano.
Mas maigting ang pagbabantay sa pagtutulong-tulong ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines (AFP), Joint Task Force- NCR (JTF-NCR), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine Coast Guard (PCG), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Land Transportation Office(LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Health (DOH), Office of the Civil Defense (OCD), Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), QC-Department of Public Order and Safety (DPOS) at Philippine Red Cross (PRC), ani Danao.
Isang araw bago ang SONA, idineklarang “no fly zone” at “no drone zone” maging ang mga ports at waterways sa Batasang Pambansa at kalapit na lugar.
“Ang hiling ko lang po sana, doon sa ating mga kababayan na nagbabalak lumabas at magprotesta, huwag na po sana. O di po kaya ay gawin na lang ito online upang hindi na po maging sanhi ng pagkalat pa ng virus lalo ngayong mayroon tayong binabantayang bagong Delta variant.
“Magtulungan po sana tayo upang maging maayos ang SONA at the same time, hindi na rin po tayo magkaroon ng mass gathering na puwedeng maging mass spreader ng virus,” apela ni Danao.
(JAJA GARCIA)