ISINAILALIM sa lockdown ang monasteryo ng Carmelite Order sa lungsod ng Iloilo matapos magpositibo sa CoVid-19 ang 24 madre at siyam sa kanilang mga staff.
Ayon sa datos ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) ng Iloilo City Health Office (ICHO), kabilang ang 33 kaso sa Carmelite Monastery sa distrito ng La Paz sa 102 bagong kaso ng CoVid-19 na naitala noong Sabado, 24 Hulyo.
Lumalabas sa talaan ng CESU-ICHO, karamihan sa mga madreng nagpositibo sa CoVid-19 ay senior citizens na gaya ng dalawa sa 24 madre ay nasa edad 90 anyos, 11 ang nasa edad 80 anyos, at apat ang nasa edad 70 anyos.
Hindi pa malinaw kung saan at kung paano nahawa ng CoVid-19 ang mga madre at staff ng monesteryo.
Napasailalim ang lungsod ng Iloilo sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula noong 16 Hulyo, at nakatakdang magtapos sa 31 Hulyo. (KLGO)