KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas
KAYA naman pala natsitsismis na wala nang panahon si Jodi Sta. Maria sa boyfriend niyang si Raymart Santiago ay dahil sa abala siya sa pagtatapos ng college thesis.
At nai-defend na nga niya ang mahiwagang thesis. Pasado naman siya. Hinihintay na lang niya ang graduation.
Sa international school sa loob ng BF Paranaque nag-aral si Jodi ng buong ningning.
Oo nga pala kaya sinasabi naming “mahiwaga” ang thesis n’ya eh dahil hindi man lang niya naalalang banggitin ang titulo nito sa Instagram post na nagbabalitang pagkatapos ng tatlong oras na pagdidepensa, ibinalita agad sa kanya ng panel of examiners na pasado siya.
Pinagsabihan kaya siya ng school administrators na huwag i-share sa publiko ang titulo ng thesis n’ya? Takot kaya sila na baka may gumaya nito? Actually, may ilang well-researched and well-articulated college thesis na inilalagay ng ilang schools sa library nila para makonsulta ng mga estudyante na nasa parehong larangan ang paksa ng thesis.
College thesis po ‘yon. Hindi master’s. Malaking karangalan na maipasa ng isang college student ang thesis n’ya. Mga prestigious school lang ang alam naming nagri-require na gumawa ang mga estudyante ng thesis para maka-graduate.
May ilang eskuwelahan na pwedeng grupo ng hanggang limang estudyante ang magtulong-tulong na bumuo ng isang thesis lang. Eh, solo lang si Jodi na bumuno ng thesis n’ya, kaya mas lalo pa siyang kahanga-hanga.
At sa ilalim ng regular curriculum nagtapos si Jodi, as far as we know. Hindi ‘yon gaya ng pagka-college ni Ruffa Gutierrez ngayon na may kahalong equivalency. Communication Arts ang inaaral ni Ruffa, at may mga course (subject) ‘yon na tungkol sa film at mass media na ‘di na kailangang kunin ni Ruffa dahil experiential (empirical) na nga kaalaman n’ya sa mga kursong ‘yon.
Baka pagkatapos ng one year ng enrolment sa kung ilang subjects ay maka-graduate na si Ruffa. Ganoon ang nangyari kay Sunshine Cruz na nag-graduate ng Psychology sa Arellano University two years ago.
Oo nga pala, maraming pagkakataon na naibalita noon ni Jodi na nasa Dean’s List siya ng international school na ‘yon. Ibig sabihin, umabot sa mataas na weighted average ang grades n’ya. May panahon pa nga na siya ang itinanghal na may pinakamataas na grades sa mga Psychology ang inaaral.
Virtual lang nga pala ang pagdepensa ni Jodi ng mahiwaga niyang thesis.
Kung nagkapanahon si Jodi na tapusin ang thesis n’ya at magdepensa nito, maaaring ‘di pa siya nagla-lock-in taping ng The Broken Marriage Vow nila ni Zanjoe Marudo. At wala pa rin ngang inilalabas na mga litrato ang Kapamilya Network mula sa lock-in taping nito.
Samantala, wala namang balitang nag-break na sina Jodi at Raymart. Nauunawaan naman siguro ni Raymart na ibang klaseng babae si Jodi. Hindi siya nabubuhay sa pakikipagrelasyon lang sa isang lalaki. Hindi nakasalalay sa pagmamahal ng isang lalaki ang pagpapahalaga n’ya sa sarili kundi sa mga naa-accomplish n’ya bilang indibidwal.