KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas
BANTULOT man dahil ayaw n’yang maputakti ng bashers, inamin ni Liza Dino-Seguerra na hangad n’yang maipagpatuloy ang mga nasimulan na n’yang mga proyekto at pagbabago sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) pagkatapos ng termino n’ya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte next year.
Sinabi n’ya ‘yon bilang sagot sa isa sa mga tanong sa virtual press conference noong Martes ng hapon para sa Pelikulaya, ang film festival para sa LGBTQA+ na idaraos online mula June 4 hanggang katapusan ng buwan.
Halos pabulong ang sagot n’ya at maikli lang. Happily, wala kaming nauulinigan na pambabatikos sa kanya dahil sa pagtatapat n’yang ‘yon.
Actually, kahit naman mangyaring sa partido ni Pres. Duterte magmumula ang susunod na pangulo, ‘di pa rin siya nakasisigurong irire-appoint siya ng bagong presidente.
Pero sa dami ng mga nagawa na ni Liza bilang FDCP chair, buo naman ang karapatan n’yang mangarap na mare-appoint siya.
At kahit may mam-bash sa kanya, tiyak na hindi makikipagbastusan si Liza sa kanila. Wala siyang reputasyon na basagulera.
Magkakahalong mga libre at may bayad na mga pelikula ang ipalalabas sa Pelikulaya ngayong Pride Month ng Hunyo. Mga pelikulang Pinoy at banyaga. ‘Yung mga Pinoy ay ‘di lang sa Filipino/Tagalog kundi pati na rin sa iba pang wika rito sa bansa.
‘Yung mga pelikulang banyaga ay ‘di lang sa Ingles kundi sa iba pang lengguwahe. May mga talk-back at roundtable discussion din ‘di lang tungkol sa LGBTQA+ films kundi pati na rin sa tunay na buhay ng mga LGBTQA+. Napakaraming bagay pa rin tungkol sa buhay ng mga LGBTQA+ ang ‘di napagtutuunan ng pansin.
Of course, never namang ikinaila ni Liza at ng partner n’yang si Ice Seguerra na miyembro sila ng community. Parang payag nga silang isapelikula ang lovelife nila kung seryosong may mag-aalok. At ang gusto ni Liza ay kasali sa istorya ang anak nilang babae (na actually ay anak ni Liza sa naging husband n’ya).
Thirteen years old na ang bata at aware na tungkol sa buhay ng mga LGBTQA+ couple. Alam ng anak n’ya na ‘di sila pangkaraniwang pamilya pero hindi lang naman sila ang ganoon.
Nang tanungin si Liza kung sino ang mga gusto n’yang gumanap sa katauhan nila sakaling may seryosong mag-alok na isapelikula ang lovelife nila ni Ice (na dating Aiza), aniya gusto n’yang si Ice mismo ang gumanap sa sarili nito, pero mas gusto n’yang maging scriptwriter ng pelikula.
Gayunman, wala siyang mabanggit na pangalan ng aktres para gampanan ang katauhan n’ya. Kami ang naiisip namin ay alinman kina Iza Calzado at Mylene Dizon na nakaganap ng lesbian sa ilang mga pelikula.
Nakaganap na rin naman si Jasmine Curtis-Smith bilang lesbian pero masyadong bata pa siya para gamanap na Liza. Malapit nang mag-40 years old si Liza.
Para sa iskedyul ng mga aktibidad ng Pelikulaya, tumuon sa FDCP website, Facebook, at Facebook FDCP messenger.