PINANGANGAMBAHANG malaking halaga ang mapapasakamay ng ‘isang malaking grupo’ na sinabing makapangyarihan sa Malacañang at maimpluwensiya sa administrasyong Duterte, kapag nakopo ang P2.2 bilyong proyekto para sa 4-lane connector road mula sa Clark City hanggang sa Industrial Park sa lalawigan ng Pampanga.
Ayon sa source, iginigiit ng tinaguriang ‘The Group’ sa palasyo, ang proyektong binubuo ng 8.8-kilometrong 4-lane connector road ay dapat mapunta sa mga bidder na ‘hawak’ nila.
‘Kinokompirma’ ng source, kung pasok sa mga bidder ang kompanyang EML, Lucky Star, at SONA.
Pinaniniwalaan ng source, kung kasama sa bidders ang EML, Lucky Star, at SONA, malaki ang tsansa na sila ang makakuha ng P2.2-bilyong proyekto dahil sila umano ang alaga ng ‘The Group’ sa palasy0.
Sa pamamagitan ng sistemang joint venture agreement (JVA) ipinasok ang proyekto upang pumasa ang mga nasabing kompanya sa requirements na inilatag ng Bases Convention and Develoment Authority (BCDA), ang pangunahing ahensiyang nagplano at nais maisagawa ang proyekto para sa ikauunlad ng Clark.
Ang bidding ay pangangasiwaan ng Department of Budget and Management (DBM) kasama ang BCDA para sa paggagawad ng P2.2 bilyong proyekto.
Ang ginagawang pangongopo ng ‘The Group’ ay pinaniniwalaang taliwas sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng ahensiya ng gobyerno, kabilang ang mga itinalagang opisyal, na labanan ang korupsiyon sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Simula noong nakaraang taon (2020), buwan ng Nobyembre, bago pa inianunsiyo ang bidding sa proyekto, kumilos ang nasabing grupo upang maisali ang mga pinapaboran nilang kompanya.
Ang BCDA ay matatandaang nilikha sa ilalim ng Republic Act No. 7227 at naamiyendahan sa Republic Act 7917 ay may mandatong palitan sa kapaki-pakinabang na paraan ang mga dating base militar sa bansa upang mapagkunan ng pagkakakitaan para sa pamahalaan.
Kabilang dito ang Clark Airbase at mga kampo militar sa Metro Manila na sa ngayon ay tinatawag na Bonifacio Global.
Maaaring ipagbili ng BCDA ang mga pag-aaring ito ng gobyerno o palitan ng paggagamitan na makapagbibigay, hindi lamang ng kita para sa pamahalaan, kundi makapagdulot din ng kaunlaran at magiging produktibo sa lugar kung saan matatagpuan.
“Ngunit sa mga miyembro ng maimpluwensiyang ‘The Group’ sa Malacañang, nanganganib ang mga proyekto para mapaunlad ang mga pasilidad kung sa maanomalya at kuwestiyonableng ‘bidder’ mapupunta ang proyekto ng BCDA,” timbre ng source.
Aniya, “kung hindi malalantad sa publiko ang layunin ng ‘The Group’ na kopohin ang P2.2-bilyong project, malalagay sa alanganin ang administrayong Duterte at magkakamal ng malaking halaga ng salapi para sa kanilang mga sariling kapakinabangan ang mga ‘tiwaling sabit’ sa palasyo.”