TODAS ang isang lalaki at ang kanyang anak sa isang operasyong ikinasa ng mga awtoridad matapos barilin ang mga pulis nang magtangkang takasan ang pag-aresto sa kanila sa bayan ng Sitangkai, lalawigan ng Tawi-Tawi, nitong Linggo ng madaling araw, 9 Mayo.
Kinilala ni Philippine National Police (PNP) chief P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang mga napaslang na suspek na sina Girang Lipae at ang kanyang anak na lalaking si Basil Lipae, napaslang sa magkasanib-puwersang operasyon ng pulis at militar sa Brgy. Sipangkot, sa naturang bayan dakong 4:00 am kahapon.
Samantala, napatay rin ang isang hindi kilalang babae sa enkuwentro ng mga suspek at ng mga operatiba ng PNP-Special Action Force (SAF) kasama ang Philippine Navy at Philippine Marines, na nagtagal ng halos limang minuto.
Ayon sa PNP, unang nagpaputok sa mga operatiba ang mga suspek na wanted sa kasong multiple murder, nang mabatid na huhulihin sila ng mga tropa ng pamahalaan, dahilan para gumanti ng putok ang pulisya.
Narekober mula sa pinangyarihan ang ilang matataas na kalibre ng armas gaya ng M1 Garand, kalibre .38 pistola, FN FAL cal. 7.62 rifle, at FN FAL na kargado ang magasin, at mga bala.
Ayon kay Eleazar, lumabas sa imbestigasyon na sangkot ang mag-ama sa pagpasok ng ilegal na droga mula Sabah, Malaysia patungong Tawi-tawi.