Retiradong maestra patay sa sunog (Sa Isabela)
BINAWIAN ng buhay ang isang 67-anyos retiradong college professor nang tupukin ng apoy ang kaniyang tahanan sa lungsod ng Santiago, lalawigan ng Isabela, nitong Linggo, 25 Abril.
Sa ulat na inilabas ng mga imbestigador nitong Martes, 27 Abril, nabatid, mag-isang nakatira ang biktimang kinilalang si Nelda Tubay, dating propesor sa La Salette University, sa kanilang ancestral house sa Brgy. Calaocan, sa nabanggit na lungsod.
Ani Senior Fire Officer 2 William Peralta, imbestigador mula sa Bureau of Fire Protection -Santiago City, maaaring natabig ni Tubay saka nahulog ang kanyang gasera habang natutulog na pinaniniwalaang pinagmulan ng sunog.
Ayon sa kanyang mga kamag-anak, apat na taon nang walang koryente ang tinitirahan ni Tubay.
Samantala, sinabi ng pamangkin ng biktimang si Mariel Tubay, sinasabihan nila ang dating guro na tumira sa kanyang kapatid sa lalawigan ng Quirino ngunit ayaw niyang iwan ang kanilang bahay.