PAF pilot patay, 3 pa sugatan (Air Force chopper bumagsak sa Bohol)
PATAY ang isang piloto ng Philippine Air Force (PAF) habang sugatan ang tatlong iba pa nang bumagsak ang kanilang sinasakyang helicopter nitong Martes ng umaga, sa tubigan ng Jandayan Island, bayan ng Getafe, lalawigan ng Bohol.
Kinilala ang namatay na si Captain Aurelios Olano, piloto ng Philippine Air Force.
Ayon kay Anthony Damalerio, provincial disaster risk reduction and management officer, dinala ang tatlo pang miyembro ng PAF sa President Carlos P. Garcia Memorial Hospital sa bayan ng Talibon, sa naturang lalawigan.
Dagdag niya, nasa ligtas na kalagayan ang tatlo at nakatakdang ilipat sa isang pasilidad sa Cebu kahapon ng hapon.
Batay sa mga nakalap na ulat, bumagsak ang MD 520 helicopter PAF sa dagat ng Jandayan Island dakong 9:45 am.
Ayon sa mga mangingisdang nakasaksi sa insidente, bumulusok patungo sa dagat ang helicopter saka ito lumubog.
Nabatid na nakita ng mga mangingisda na may tatlong taong tumalon bago tuluyang bumagsak ang chopper.
Agad pinuntahan ng mga mangingisda ang mga tauhan ng Philippine Air Force upang sila ay mailigtas.