Dr. Clemente Alcala, Jr., imbentor ng Kamstea, pumanaw
BINAWIAN ng buhay noong Biyernes, 23 Abril, si Dr. Clemente Alcala, Jr., isang medical frontliner at kasalukuyang Municipal Health Officer ng bayan ng Candelaria, lalawigan ng Quezon.
Sa mahigit 30 taon, nakilala si Dr. Alcala sa kanyang “subida” o pagpunta sa mga bahay ng kanyang mga pasyente para sa regular na panggagamot, pagbisita, at pag-monitor sa kanila. Dahil sa pagmamahal sa kanyang mga pasyente, lalo sa mga kapos-palad, nahimok siyang pagsamahin ang moderno at tradisyonal na paraan ng paggagamot.
Dahil dito, nalinang niya ang isang special protocol para sa dengue kung saan siya nakilala. Naiakma niya sa kanyang paraan ng panggagamot ang Kamstea – o tsaang mula sa sabaw ng talbos ng kamote at kalamansi na hinaluan ng iba pang mineral.
Nagwagi ito sa 2021 People’s Choice Award/2021 Seal of Excellence bilang Outstanding Natural Medicine and Food Supplement Juice Drink mula sa Asia Pacific Awards Council (APAC)/Global Consumers Awards Council.
Ayon sa post ni Dr. Asis Perez, pinsan at kababata ni Dr. Alcala: “At the onset of COVID 19 last year, Dr. Alcala was my partner in identifying and getting in touch with doctors and medical facilities that needed Personal Protective Equipment, facemasks, bed sheets, alcohols, and the like from various donors from Manila. Several supplies were delivered.”
Namatay si Dr. Alcala dahil sa pneumonia noong Biyernes, 24 araw bago siya tumuntong sa kanyang ika-58 taon.
Isa si Dr. Alcala sa mga outstanding alumni ng Far Eastern University – Dr. Nicanor Reyes Medical Foundation Institute of Medicine at Quezon National High School.