MULING naghatid ang Cebu Pacific ng panibagong batch ng mga bakuna kontra CoVid-19 sa mga lungsod ng Tuguegarao at Puerto Princesa nitong Biyernes, 16 Abril.
Pang-apat na ang pagbiyahe ng 35,080 doses ng bakuna sa lalawigan ng Cagayan, habang pangalawa sa Palawan na naghatid ang Cebu Pacific ng 6,400 doses ng bakuna.
“We are happy to be able to carry more of these life-saving vaccines to ensure timely distribution across the archipelago is unhampered. Trust that Cebu Pacific will continue to guarantee these are handled well so they arrive safely and in great condition,” pahayag ni Alex Reyes, President at CEO ng Cebgo.
Nang dumating ang mga bakuna sa CEB Cargo Warehouse sa Maynila noong Biyernes, agad inilagak sa refrigerated containers upang matiyak na mapapanatili ang optimum conditions hanggang sa paghahatid sa kaukulang mga destinasyon.
Patuloy ang pagtulong ng airline sa pamahalaan upang mapababa ang mga kaso ng CoVid-19 sa bansa.
Sa kasalukuyan, nakapaghatid ang Cebu Pacific ng tinatayang 264,000 doses sa Visayas at Mindanao pati sa ilang bahagi ng Luzon. (KARLA LORENA OROZCO)