PINALAWIG ng San Miguel Corporation (SMC) ang maaabot ng P1-bilyong Tullahan-Tinajeros river system cleanup hanggang sa 11.5 kilometro, halos kalahati ng kabuuang haba ng ilog na 27 kilometro, upang matulungan ang flood mitigation measures sa mga lungsod ng Navotas, Malabon, at Valenzuela, bago magsimula ang panahon ng tag-ulan.
Ayon kay SMC president at chief operating officer Ramon S. Ang, inaprobahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dredging plan ng kompanya para sa Sector 4 at 5 ng nabanggit na river system, na madaraanan ang mga bahagi ng ilog mula sa Tinajeros Bridge hanggang Potrero sa mga lungsod ng Malabon at Valenzuela.
Kinakatawan nito ang 6.3 kilometro ng dredging area, na karagdagan sa naunang 5.25-km Sector 1 hanggang 3 mula sa Manila Bay sa lungsod ng Navotas, hanggang sa Tinajeros Bridge sa lungsod ng Malabon.
“We are making all the necessary preparations now to move into the next phase of our river cleanup and flood management initiative. We’re investing in new equipment, and hiring more people. We are fully committed to our advocacy of cleaning up major rivers and helping our cities with flood mitigation,” ani SMC president at COO Ramon S. Ang.
“We thank the DPWH for approving our plans for this new stretch, which will benefit Valenzuela and upstream portion of Malabon. As soon as we acquire the special equipment, we will start work on these sections by early April, while simultaneously maintaining our dredging operations from Manila Bay in Navotas to Tinajeros Bridge, or sectors one to three,” dagdag ni Ang.
Ani Ang, bukod sa paglilinis at pagpapalalim ng ilog para may sumalo sa mas maraming ulan lalo sa panahon ng bagyo, pinalalawakan din ng DPWH ang ilang bahagi nito.
Makikipagtulungan ang SMC sa mga lokal na pamahalaan at sa MMDA Flood Control Group upang maipatupad ang proyekto.
Maraming bahagi ng ilog ang bumabaw na may lalim na isa hanggang dalawang metro na lamang. Nagawa ng SMC na muling mapalalim ito para makatulong sa mga pumping station sa mga lungsod ng Navotas at Malabon.
Patunay nito ang malalakas na bagyong dumaan sa bansa sa huling bahagi ng nakaraang taon na napunta sa ilog ang ulan kaya walang naiulat na matinding pagbaha sa mga bahaing lugar.
Para sa limang sector, nilalayon ng SMC na makapag-dredge ng kabuuang 1.5 milyong cubic meters ng silty sand at solid waste.
Sa kabila ng Luzon-wide lockdowns dahil sa pandemya ng CoVid-19, umabot ang dredging output sa 112,910 metric tons hanggang nitong 15 Pebrero, na tumaas ang mula 600 hanggang 1,000 MT kada araw.
Panawagan ni Ang, “To enable to us to effectively dredge the river and help reduce flooding, we are again asking the support of all stakeholders, including the local government units to help us maintain the river and contribute to the national government’s program to rehabilitate the Manila Bay.”
Dagdag ni Ang, ang pagbili ng mas maraming kagamitan at pag-empleyo ng mas maraming tauhan ay bilang paghahanda para sa mga nakatakdang river cleanup initiatives sa lalawigan ng Bulacan, at para sa Ilog Pasig, na bahagi sa iminungkahing P95.4 bilyong halaga ng planong pagtatayo ng Pasig River Expressway (PAREX).
Bibili umano ang kompanya ng isang amphibious excavator para sa mga mababaw na bahagi ng ilog at para sa pagpapalawak nito, at isang suction cutter dredger na kayang malakihan gaya sa Ilog Pasig.
Samantala, nag-empleyo din ang kompanya ng 11 heavy equipment operator na nagtapos sa ilalim, ng SMC-Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) partnership skills training program para sa Brgy. Taliptip coastal residents sa lalawigan ng Bulacan.
“We are happy to have them in this Tullahan dredging project. They will gain added training and competence in handling different kinds of heavy equipment. This will prepare them for future dredging projects and this will allow them to earn income for their families,” masayang balita ni Ang.
Nagsimula nang magtrabaho ang SMC-TESDA graduate nitong Martes, 16 Pebrero, na nagmula sa mga pamilyang nakatanggap ng tulong pinansiyal mula sa SMC at nakapagpatayo rin ng bagong konkretong kabahayan sa ligtas na lugar sa lalawigan ng Bulacan, matapos ma-relocate mula sa magiging lokasyon ng P740-bilyong Manila International Airport (MIA) na proyekto ng SMC. (KLGO)