IGINIIT ni Senadora Imee Marcos na tila mananatiling ‘pantasya lamang’ ang suggested retail prices (SRPs) sa pagkain na dapat ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI), dahil sa paglaganap ng sakit sa mga babuyan sa Luzon at sa maaaring pagtagal ng sobrang lamig ng panahon sa mga taniman ng gulay sa Norte.
“Mahihirapan ang DTI na ipatupad ang SRPs sa baboy at gulay dahil sa di matapos-tapos na African Swine Fever (ASF) at pagyeyelo ng hamog sa mga taniman ng gulay lalo sa Benguet,” ani Marcos.
Sinabi ng Chairperson ng Senate committee on economic affairs, higit na maaapektohan ang mahihirap na pamilya dahil “sisenta porsiyento ng kanilang budget ay nakalaan sa pagkain.”
“Gumagapang na naman pataas ang presyo ng mga bilihin sa lebel na hindi natin nakikita mula Marso 2019. Ang presyo ng pagkain ang pinakamatimbang sa inflation rate ng bansa na umabot sa 3.5% noong Disyembre,” dagdag ni Marcos.
Sa harap nito, hinimok ni Marcos ang Department of Agriculture na ibigay ang lahat ng suporta sa mga magbababoy at maggugulay sa Visayas at Mindanao, habang sinisikap ng Luzon na gawan ng paraan ang kakapusan sa pagkain at pagtaas ng presyo nito sa mga susunod na linggo.
“Asahan nang mananatili ang mataas na presyo ng mga bilihin. Ang gastusin sa sasakyan at sa tinatawag na cold-chain facilities para mapanatiling sariwa ang mga agri-products mula sa Mindanao ay panibagong dagdag sa ipapataw na presyo pagdating sa Metro Manila at sa buong Luzon,” ani Marcos.
“Wala pa rin bakuna para sa ASF, kaya dapat magdoble-sikap ang DA para maiwasan ang problema ng kontaminasyon sa hog raisers, na karamiha’y mga backyard farmer na halos hindi nakasusunod sa animal health standards,” dagdag ni Marcos.
Sa pinakahuling survey ng tanggapan ni Marcos nitong Martes lang, tumaas ang presyo ng karne ng baboy sa Metro Manila mula P300 bago mag-Pasko at umaabot na sa P380 hanggang P400.
Pero mas mataas pa ang presyo nito sa mga supermarket na pumalo hanggang sa P417 kada kilo.
“Bagamat maraming gulay ang bumaba ang presyo mula noong Nobyembre matapos ang sunod-sunod na bagyo, patuloy na nagpapabaya ang DTI sa pagmo-monitor ng SRP ng naturang mga produkto,” desmayadong pahayag ni Marcos. (NIÑO ACLAN)