INIHAYAG ng Department of Health (DOH) at Philippine Genome Center (PGC) na isang Filipino mula sa Dubai, United Arab Emirates ang nagpositibo sa bagong coronavirus variant na unang nadiskubre sa bansang United Kingdom.
“The DOH and the PGC today officially confirm the detection of the B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant (UK variant) in the country after samples from a Filipino who arrived from the United Arab Emirates on January 7 yielded positive genome sequencing results,” ayon sa pahayag nitong Miyerkoles, 13 Enero.
Nabatid na lumipad patungong Dubai ang lalaking pasyenteng residente ng lungsod ng Quezon, para sa negosyo noong 27 Disyembre at bumalik sa Filipinas nitong 7 Enero sakay ng Emirates Flight No. EK 332.
Pagdating sa bansa, sumailalim ang lalaki sa mandatory quarantine, nagsagawa ng swab test, at doon natuklasan na positibo siya sa CoVid-19 kaya nagsagawa ng gene sequencing upang alamin kung nagkaroon ng mutation sa kaniyang virus.
Samantala, negatibo sa virus ang kasama niyang babae na naka-quarantine rin.
May 30 bansa ang isinailalim ng Filipinas sa temporary travel restriction dahil sa pangamba sa UK variant ng virus na sinasabing mas mabilis makahawa.
Dahil sa naturang travel restriction, hindi maaaring makapasok sa bansa ang mga dayuhan mula sa mga bansang mayroong kaso ng UK variant ng virus.
Pinapayagan lamang ang mga Filipino na makauwi o bumalik sa Filipinas na manggagaling sa mga bansang nakapailalim sa travel restriction. (KARLA OROZCO)