Flight attendant ‘walang malay’ sa hotel bathtub (Idineklarang DOA sa ospital)
SINAMPAHAN ng Makati City police sa prosecutor’s office nitong Lunes, 4 Enero, ang 11 kalalakihan ng provisional charge of rape with homicide kaugnay sa pagkamatay ng isang flight attendant noong unang araw ng bagong taon.
Matatandaang natagpuang walang malay ang biktimang si Christine Angelica Dacera, 23 anyos, mula lungsod ng General Santos, sa bathtub ng kaniyang kuwarto sa isang hotel sa lungsod ng Makati kung saan siya nagdiwang ng bisperas ng bagong taon kasama ng ilang mga kaibigan.
Idineklarang wala nang buhay si Dacera kalaunan sa pagamutan.
Ayon kay P/Col. Harold Depositar, hepe ng Makati City police, isinampa ang provisional charge of rape with homicide nitong Lunes, 4 Enero, laban sa 11 kataong nakasalamuha ni Dacera at nag-okupa ng dalawang magkatabing silid sa parehong hotel sa panahon ng kaniyang pagkamatay.
Dagdag ni Depositar, probisyonal ang isinampang kaso dahil hinihintay pa nila ang resulta ng awtopsiya at toxicology report na isusumite ng Makati City police ngayong Martes, 5 Enero.
Nadakip ang tatlo sa 11 suspek habang nakalalaya pa ang walo.
Nabatid na tatlo lamang sa mga suspek ang kaibigan ni Dacera habang ang iba ay kakilala ng kaniyang mga kaibigan.
Ayon kay Depositar, may mga sugat, pasa, at galos ang mga braso at binti ng biktima.
“The victim had lacerations and sperm in her genitalia,” patuloy ni Depositar nang tanungin sa kasong provisional rape with homicide na isinampa laban sa mga suspek.
Ipinaalam ng Makati Medical Center sa Makati City police ang pagkamatay ni Dacera noong bagong taon.
Dinala si Dacera ng tatlong kaibigan kasama ang staff ng hotel sa pagamutan matapos matagpuang walang malay sa bathtub ng kaniyang silid. (KARLA OROZCO)