WALANG suot na helmet, tuluyang napahamak ang 28-anyos na motorista na nasita sa checkpoint at nakuhaan ng P210,000 halaga ng hinihinalang shabu sa lungsod ng Pasig, nitong Miyerkoles, 9 Disyembre.
Kinilala ni P/Col. Moises Villaceran, Jr., hepe ng Pasig police, ang nadakip na suspek na si Jayson Soriano, 28 anyos, nakatira sa Dr. Sixto Antonio Ave., Barangay Maybunga, sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na dakong 11:30 am kahapon, nagsagawa ng checkpoint ang Sub-Station 6 ng Pasig PNP sa pangunguna ni P/Lt. Joey Ibañez sa Sandoval Ave., Barangay San Miguel.
Dito sinita ang suspek dahil walang suot na helmet habang minamaneho ang kanyang motor na Honda Beat 110, may plakang TA-6183, hiningi ang kanyang lisensiya at dokumento ng motorsiklo.
Pero tumambad sa mga awtoridad ang 12 piraso ng transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu sa isang itim na pouch habang inilalabas ng suspek ang lisensiya.
Sa tala ng pulisya, aabot sa 31.0 gramo ang nasamsam na droga na nagkakahalaga ng P210,800.
Nakapiit ang suspek sa detention cell ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (EDWIN MORENO)