NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang 78 gramo ng droga na tinatayang nagkakahalaga ng P530,000 mula sa apat na hinihinalang mga tulak sa isinagawang buy bust operation ng Mandaluyong PNP, nitong Sabado ng gabi, 5 Disyembre.
Sa ulat na tinanggap ni Eastern Police District Director P/BGen. Matthew Baccay, kinilala ang mga naarestong suspek na sina Ernan Madridano, 39 anyos; Jun Sioson, 38 anyos, kapwa residente sa Barangay Addition Hills, sa lungsod; Jeevelyn Tulagan, 34 anyos; at Emily Rendal, 27 anyos, mga nakatira sa Barangay Manggahan, sa lungsod ng Pasig.
Unang nadakip sa anti-illegal drug operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Laurence Charmin sina Madridano at Sioson dakong 10:30 pm sa Blk. 35 Barangay Addition Hills.
Nakompiska mula sa mga suspek ang limang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na walong gramo at nagkakahalaga ng P54,000.
Samantala, naaresto sa follow-up operation sina Tulagan at Rendal sa Barangay Manggahan, sa lungsod ng Pasig.
Nasamsam mula sa kanila ang 70.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P479, 400, at buy bust money.
Sa kabuuan, nagkakahalaga ng halos kalahating milyon ang halaga ng shabu na nakompiska ng pulisya sa apat na pinaniniwalaang responsable sa pagpapakalat ng droga sa dalawang lungsod.
Nakapiit ang mga suspek sa detention cell ng pulisya at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa RA 9165 Section 5 at 11 sa korte.
(EDWIN MORENO)