SINABI ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro sa mga nais magbigay ng mga donasyon sa kaniyang mga kababayan na ideretso sa evacuation center dahil lubog pa rin sa putik at baha ang mga bahay at kabuhayan sanhi ng bagyong Ulysses.
Higit aniya na nangangailangan ang mga residenteng nasa evacuation centers ng pagkain, malinis na tubig, gamot, vitamins, diaper, at gamit ng mga bata.
Ayon sa alkalde, idirekta ng mga donor o sila na rin ang mamahagi ng mga donasyon dahil mayroon umanong sistema ng pamamahagi sa mga evacuation center at mahigpit din ang pagpapatupad ng health protocols.
Naka-focus umano sila ngayon kung paano maka-survive ang kaniyang nasasakupan at aminado siyang pangalawang prayoridad lang muna nila ang health protocols laban sa CoVid-19.
Nanawagan si Mayor Teodoro sa mga pribadong sektor at oranisasyon na magpadala ng mga equipment, tulad ng payloaders at skid loaders, upang tumulong tanggalin ang makapal na putik at kalat sa gitna ng kalsada dulot ng bagyo.
Isa ang lungsod ng Marikina sa mga lugar na lubhang naapektohan nang hagupitin ni Ulysses.
Dagdag ng alkalde, nasa 30,000 hanggang 40,000 pamilya ang apektado ng malawakang pagbaha sa lungsod.
(EDWIN MORENO)