NAKALIGTAS man sa bingit ng kamatayan, tinapos ng hindi pa kilalang suspek sa loob ng emergency room ng ospital ang buhay ng isang biktima ng ‘salvage’ sa bayan ng Angono, sa lalawigan ng Rizal, nitong Miyerkoles, 4 Nobyembre.
Kinilala ni P/Maj. Richard Corpuz, hepe ng Angono police, ang biktimang si Vincent Adia, 27 anyos, pinasok at pinatay sa loob ng emergency room ng pagamutang pinagdalhan sa kaniya.
Nabatid na unang binaril ang si Adia dakong 3:30 am kamakalawa sa boundary ng Barangay San Isidro sa lungsod ng Antipolo, at Barangay Mahabang Parang, sa bayan ng Angono.
Tatlong beses tinamaan ng bala ng baril ang biktima sa kaniyang ulo na bago iwan ng suspek ay nilagyan ng placard na may nakasulat na “pusher ako” sa pag-aakalang wala nang buhay si Adia.
Naagapang maisugod sa Rizal Provincial Hospital – Angono Annex ang biktima nang makita ng ilang motorista at mga opisyal ng barangay at doon pinagtulungang ma-revive ng mga doktor at mga nurse upang mailigtas sa kamatayan.
Samantala, pasado 11:00 am nang biglang pumasok sa emergency room ang hindi kilalang armadong lalaki na may suot na itim na jacket at facemask, saka dalawang beses na binaril ang biktima na tuluyan niyang ikinamatay.
Tinutukan ng baril at binantaan din ng suspek ang mga doktor at nurse na nasa emergency room, ayon sa isang health worker.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa nag-aabang na motorsiklo na minamaneho ng kaniyang kasabwat.
Ayon kay P/Maj. Corpuz, sinalisihan ng suspek ang mga pulis na nagbabantay sa biktima sa ospital at pinasok ang emergency room upang tuluyang tapusin ang buhay ng biktima.
Ayon sa isang health worker ng pagamutan, naisulat pa ng biktima ang pangalan ng gumawa sa kaniya ng krimen ngunit bigla na lamang nawala ang papel.
Napagalaman din na pitong taon nakulong ang biktima dahil sa kasong robbery at kalalabas lamang noong nakaraang taon.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. (EDWIN MORENO)