LUMAPAG na sa US si middleweight Eumir Felix Marcial kaya anumang oras ay maaari na siyang magsimula ng kanyang trainings.
Pahayag ni 24-year-old Marcial na magsisimula na siyang mag-ensayo para paghandaan ang 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan at ang debut niya bilang professional boxer sa United States.
Matagal na walang pormal na ensayo si Marcial dahil sa pagsasailalim sa quarantine ang bansa dulot ng coronavirus (COVID-19).
Nitong Marso ay lumaganap ang COVID-19 pandemic kaya itinigil lahat ng sporting events.
Nagpapasalamat ang tubong Zamboanga City Marcial sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni chairman William “Butch” Ramirez sa pagtulong na makapunta siya sa US para paghandaan ang Olympics.
Si Hall of Fame trainer Freddie Roach, assistant coach Marvin Somodio at strength and conditioning coach Justin Fortune ang makakasama ni Marcial sa trainings.
“He will start preparing for many, many things,” saad ni Sean Gibbons ang pangulo ng MP Promotions ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao. “Preparing for his 2021 Olympics, preparing for a possible debut later this year.”
Target na gawin sa November o Decemeber ang pro debut ni Marcial sa isang non-title bout.
(ARABELA PRINCESS DAWA)