NAREKOBER ng mga awtoridad ang higit sa P500,000 o kalahating milyong pisong halaga ng shabu mula sa hinihinalang dalawang tulak na nadakip sa lungsod ng Pasig, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Lt. Elvin Olmedillo ang mga arestadong suspek na sina Rhina Rose Olarte, 27 anyos, at Jericson Laguna, 27 anyos, kapwa residente ng Pasco Ave., Barangay, Santolan, sa naturang lungsod.
Nadakip ang mga suspek sa buy bust operation na ikinasa ng pulisya dakong 1:30 am noong Linggo, sa Evangelista St., Pasco Ave., sa nabanggit na lungsod.
Unang nakuha sa mga suspek ang drogang may timbang na 25 gramo sa asset na nagkakahalaga ng P179,000; isang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa isang plastic bag na nagkakahalaga ng P340,000; 29 tag-P1,000 bill ginamit sa buy bust operation; cellphone; at timbangan ng ilegal na droga.
Sa kabuuan, nasa P510,000.00 ang halaga ng mga nasamasam na droga mula sa dalawang suspek.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa detention cell ng Pasig PNP at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(EDWIN MORENO)