INILATAG na ang groundbreaking ceremony ng itatayong ferry terminal na uugnay sa Rizal at Makati upang maibsan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila.
Tiniyak ito ni 2nd District Congressman Fidel Nograles upang mapabilis ang biyahe at inaasahang darami ang investor sa lalawigan ng Rizal.
Magmumula ang konstruksiyon ng terminal sa bayan ng Cardona at bahagi ito ng itatatag na Laguna Lake Ferry Network upang pabilisin ang biyahe ng mga Rizaleño mula Cardona patungong Guadalupe (Makati) Station.
Aniya, naunang iminungkahi noong Disyembre 2019 kay Secretary Arthur Tugade ng Department of Transportation (DoTr) ang proyekto at susunod na itatayo ang ferry terminal sa bayan ng Jala-Jala.
Ayon sa mambabatas, matagal na umanong reklamo ng mga Rizaleño ang maraming oras na ginugugol sa pagbagtas sa tradisyonal na ruta patungong Metro Manila at pabalik.
Naniniwala si Nogales na mainam na solusyon ang ferry service upang maiwasan ang buhol-buhol na trapiko.
Bukod sa iwas trapiko, matututukan din umano nang husto ang Laguna Lake dahil sa mga oportunidad na makukuha rito.
“Laguna Lake has many growth areas that could benefit all the areas along it,” dagdag ng Harvard trained-lawyer.
Hindi lang trapiko kundi maging sa disaster risk management tulad ng pagbaha sa Laguna Lake at turismo ay matutugunan din umano.
Hinimok din ni Nograles ang local government unit (LGUs) na nakapaligid sa laguna lake na magtayo ng ferry lines, sakali umanong fully operational na ito ay darami ang magnenegosyo sa lalawigan.
(EDWIN MORENO)