MAGKAROON kaya ng panibagong sigla ang career ni Charice Pempengco bilang Jake Zyrus kung manalo sa International Emmy Awards sa Nobyembre ng taong ito ang dokumentaryo tungkol sa buhay n’ya na may titulong Jake and Charice?
Nominado ang dokumentaryo sa kategoryang “art programming,” kasama ang tatlo pang iba mula sa iba’t ibang bansa.
Officially ay hindi entry ang Charice and Jake buhat sa Pilipinas kundi buhat sa Japan at ‘yon ay dahil ang NHK Japan ang producer ng dokyu at co-producer lang ang ABS-CBN Star Music, na recording artist si Jake. Ang NHK network ng Japan ang nag-submit ng dokyu sa International Emmy Awards, ‘di ang Pilipinas.
Tungkol sa kung paano naging Jake Zyrus si Charyce ang dokyu at alam ni Jake na hindi pa ito naipalalabas sa Pilipinas. Alam ni Jake na hindi pa ito naipalalabas dito sa atin.
Magwagi man ito o hindi sa global awards ng Emmy, sana ay makagawa ng paraan ang Star Music na maipalabas sa alinman sa digital platforms ng ABS-CBN. At siguro naman ay may English subtitles na ang kopyang isinali ng NHK Japan sa International Emmy Awards.
Ang iba pang mga nominado ay ang Why Do We Dance ng United Kingdom, Refavela 40 ng Brazil, at Vertige de la Chute ng France.
Actually, nagwagi na ng Gold Camera Award ang dokyu sa US International Film and Video Festival noong Hunyo ng taong kasalukuyan.
Kahit na hindi sa Pilipinas officially mapupunta ang award kung manalo ang dokyu, very thankful pa rin si Jake sa nominasyon nito sa International Emmy Awards.
Pahayag n’ya sa isang email interview na lumabas sa Philippine Daily Inquirer kamakailan: “It’s important to have something like this amid the challenges we’re facing … it’s especially important for my mental health. It’s something positive and I feel good about it.”
Dagdag pa n’ya: “My team, the Japanese producers and I are grateful and honored that our entry has been nominated for an award in one of the most prestigious award-giving bodies.”
Samantala, hindi na pa-macho ang hair style ni Jake ngayon. Luma na ang mga litrato n’yang para siyang machong-macho na naka-gell pa o nakapomada.
Pinahaba na n’ya ng kaunti ang buhok n’ya at naka-one-length na siya na nakahati sa gitna. Ganoon na ang itsura n’ya sa music video ng kanta n’yang Missing You in the Moonlight na lumabas nitong Agosto lang.
Pati ang pananamit n’ya ay pang-unisex na, ‘di na pa-macho. Parang kahit paano, o kahit paunti-unti, ay ibinabalik n’ya ang bakas ng Charice na unang nagustugahan at hinangaan ng madla. Pero boses lalaki na nga siya ngayon kahit na, happily, ay ‘di na rin pa-macho ang mga asta n’ya sa pagkanta na gaya noong mga unang taon siyang humarap sa madla bilang Jake Zyrus.
Si Charice, ayon sa mga naunang ulat, ang kauna-unahang Asian artist na nakapasok sa Billboard Top 10 (dahil sa kanta n’yang Pyramid.)
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas