HINDI naman pala kumukulo ang dugo ni Liza Soberano kahit na nagsampa na siya ng demanda laban sa isang babae na nag-post sa social media ng “sarap ipa-rape” ang girlfriend ni Enrique Gil.
Nainis lang siya sa babaeng ‘yon pero wala siyang masamang hangarin para sa kanya–na gaya ng mistulang hangarin nito na ma-rape sana ang actress.
Ipinahayag ni Liza sa isang interbyu sa kanya ni Karen Davila sa ANC News cable channel ng Kapamilya Network na handa siyang iurong ang demanda kung maglalabas ang babaeng iyon ng isang apology na naka-address directly sa kanya (kay Liza).
Nag-isyu na noong September 21 sa Facebook n’ya si Melissa Olaes, ang empleado ng Converge Internet provider ng apology, pero para ‘yon sa pamilya at sa angkan n’ya at sa iba pang mga tao na aniya ay naapektuhan negatively sa post n’yang iyon. May mga anak siya, pagtatapat pa n’ya sa apology n’ya.
Iginiit pa n’ya sa “apology” n’ya na iyon na siya man ay apektado ng negatively sa pagkalat sa madla sa comment n’yang ‘yon. Napakarami rin daw lumait sa kanya bilang reaksiyon sa lumabas na comment niya.
Nilinaw din n’ya sa “apology” na ‘yon na hindi naman n’ya sa madla ipinahayag ang comment na ‘yon kundi sa isang ka-Facebook n’ya in private. Hindi nga n’ya maintindihan kung paano kumalat ‘yon sa Facebook, pati na sa Twitter.
Nabasa naman ni Liza ang “apology” na ‘yon, at ‘di naman n’ya binabalewala. Handa siyang iurong ang demanda laban kay Melissa kung maglalabas ito ng apology na naka-address sa kanya o deretsahang binabanggit ang pangalan n’ya bilang ang taong hinihingan n’ya ng tawad.
Habang isinusulat namin ito ay wala pa kaming namo-monitor na personal apology ni Melissa kay Liza.
Parang ‘di naman mahirap gawin ang hiling ni Liza, na isang babaeng wala namang reputasyong mataray at makitid ang utak.
Bukod sa tahasang paghingi ng tawad kay Liza, dapat ding imbestigahan ng empleadong ‘yon ng Converge kung sino ang nagkalat ng comment n’yang ‘yon na sa isang “private communication” lang sa isang social media.
Samantala, wala pa rin kaming na-monitor hanggang ngayon kung anong “disciplinary measure” ang ipinataw ng Converge kay Melissa na bale naglagay ng dagdag na kahihiyan sa kompanya na iniangal ni Liza sa madla na mabagal ang Internet service na ipinararating sa kanya.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas